
LGU LINGAYEN BUKAS SA “OPLAN KALINGA” PROGRAM NG NTF
Bukas at suportado ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang Oplan Kalinga Program na inilunsad ng National Task Force kamakailan kung saan bahagi nito ang pagbabahay-bahay para matukoy ang mga mild at asymptomatic coronavirus disease 2019 (COVID-19) patients.
Sa katunayan, ayon kay Dra. Sandra Gonzales, Municipal Health Officer ng bayan, nakatakda na umano nilang pag usapan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagimplementa dito.
Paliwanag pa ng MHO, mahigpit na pagplaplano ang kailangang gawin lalo na’t ang mga pasyente ay posibleng symptomatic at asymptomatic.
Aniya, kung sakali ito’y matuloy, hahanapan ng panibagong quarantine facilty ang mga magiging pasyente dahil hindi umano sila maaaring ihalo o isama sa pasilidad ng mga nasa kategorya ng Persons Under Monitoring o PUMs.
“Kelangan ibukod talaga sila sa mga PUMs para hindi magkahawaan. Sa ngayon, pinaplano pa naming pag usapan yan ni Mayor” ani Dra. Gonzales
Sa ilalim ng “Oplan Kalinga”, bibisitahin ng mga health workers at awtoridad ang bahay ng mga mild at asymptomatic cases ng COVID-19. Kapag hindi akma sa regulasyon para sa home quarantine ang tinutuluyan ng pasyente, dadalhin siya sa isolation facility na itinayo ng gobyerno.
Samantala, dagsaan pa rin ang kumukuha ng health o medical certificate sa bayan.
Bagama’t araw araw ay madami ang pumipila, tiniyak pa rin ng lokal na pamahalaan na sumusunod pa rin ang mga ito sa ipinapatupad na health protocols tulad na lamang ng pagsusuot ng facemask at pag-obserba sa social distancing.
Patuloy naman ang panawagan ng LGU Lingayen partikular na ni Mayor Bataoil sundin ang mga health protocols ng pamahalaan upang mapigilan na ang pagkalat ng COVID19. (MIO)