
LGU LINGAYEN, KAISA SA OBSERBASYON NG WORLD AIDS DAY
Nakiki-isa ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa pag-obserba ng World AIDS Day ngayong unang araw ng Disyembre, 2020.
Dala ang temang “Ending the HIV/AIDS Epidemic: Resilience and Impact” ngayong taon, layunin ng pagdiriwang na mabigyang linaw at alisin ang stigma ng AIDS sa lipunan.
Ayon naman sa Municipal Health Office o MHO Lingayen, ang pag-obsera sa World AIDS Day ay napakahalaga dahil binibigyang diin nito ang karapatan ng bawat isa para sa isang ‘quality health care’ at dapat maging bukas ito para sa lahat, anuman ang estado sa buhay.
Tuloy din umano ang kanilang ginagawang kampanya lalo na sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko kaugnay sa karapatan sa kalusugan at kung ano ang kahalagahan nito sa buhay ng isang tao.
Hinikayat naman ng naturang tanggapan ang mga kababayan na makilahok at maki-isa sa kanilang gagawing aktibidad o candle lighting activity mamayang hapon sa harap mismo ng Rural Health Unit 1.
Kasabay ng pagsisindi ng kandila, mag aalay din umano ng panalangin para sa alaala ng mga yumao dahil sa naturang sakit.
Nanawagan naman ang MHO Lingayen sa publiko partikular ang mga may “risky behaviour” na habang maaga pa ay sumailalim na sa HIV testing upang malaman kung sila ay positibo ng sa gayon ay magamot agad at maiwasan ang paghawa ng sakit.
Taong 1988 nang magsimula ang kauna-unahang ‘health day’ at World AIDS Day sa buong mundo.
Ito ay isang magandang oportunidad para magkaisa sa laban kontra HIV, magpakita ng suporta sa mga biktima ng sakit at alalahanin ang mga taong pumanaw dahil sa mga AIDS-related illnesses.
Isa rin umano sa importansya ng World AIDS Day ay ipaalala sa publiko at sa gobyerno sa buong mundo na ang problema sa HIV ay hindi pa rin nawawala at nananatili pa ring banta sa buhay ng tao. (MIO)