
LGU LINGAYEN MULING IPINAALALA ANG ORDINANSANG NAGBABAWAL SA PAGGAMIT NG PLASTIK SA BAYAN
Muling ipinaalala ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang ordinansang nagbabawal at kumokontrol sa paggamit at pagtatapon ng plastik sa bayan.
Ipinaliwanag mismo ni Ms. Grace Satuito, Planning Officer II at Municipal Environment and Natural Resource Officer in-Charge (MENRO Lingayen) ang nilalaman ng ordinanasang nagbabawal sa paggamit ng plastic.
Sa ilalim umano nito, bawal ang paggamit ng plastic bilang secondary packaging sa mga bibilhing produkto alinsunod sa inaprubahang ordinansa ng bayan.
Saklaw aniya nito ang lahat ng mga establisyemento partikular na ang mga nakapwesto sa pamilihang bayan. Ayon sa opisyal, pagmumultahin ng P500-P2,500 ang mga may-ari ng tindahan na lalabag sa batas at posible ding hindi mai-renew ang kanilang mga business permit.
“Iisyuhan natin ng notice of violation at posibleng hindi ma-ire-renew ang business permit ng mga negosyanteng hindi magbabayad ng multa”, ani Satuito.
Aminado din ang naturang opisyal na sa kabila ng paulit ulit nilang paalala sa publiko ay marami pa rin ang hindi sumusunod dito kaya’t nanatiling problema pa rin ang plastic waste sa bayan ng Lingayen.
Sa kabila nito, nilinaw ni Satuito na pinapayagan lamang ang paggamit ng plastic bags bilang primary packaging ng mga bibilhing produkto sa palengke gaya ng mga karne at gulay. Pero aniya, hindi na ito maaari pang ilagay sa isa pang plastic bag bilang pangalawang pambalot.
Hinimok nito ang mamamayan na bawasan na ang paggamit ng single-used plastics at gumamit na lamang ng mga reusable materials o eco bags na makatutulong sa kalikasan.
Suportado ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagpapatupad ng naturang ordinansa na walang ibang layunin kundi mapangalagaan ang kapaligiran at makatulong na makabawas sa problema ng basura sa bayan. (MIO)