
LGU LINGAYEN NAKI-ISA SA PAGDIRIWANG NG ARBOR DAY AT SUMUSUPORTA SA BILLION TREE AND GROWING PROJECT
Kaisa ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa pagdiriwang ng Arbor Day at pagsuporta sa Billion Tree and Growing Project ng Universal Peace Federation ngayong araw, Hunyo 25, 2021.
Tampok sa pagdiriwang ang pagtatanim o tree planting ng nasa mahigit isang daan seedlings ng iba’t ibang uri ng punong kahoy kabilang ang Ylang-Ylang sa pamosong Daang Kalikasan sa bayan ng Mangatarem na siya ring proyekto ni Mayor Bataoil noong ito’y congressman pa lamang.
Personal na dumalo ang mga kawani Department of Environment and Natural Resources sa pamumuno ni Regional Director Atty. Crizaldy Barcelo, iba’t ibang non-government organizations at civil society groups. Kasama rin sa mga nagtanim ang mga buong pwersa ng LGU Lingayen kabilang ang mga department heads at ilang mga empleyado ng bayan.
Bago pa man ang pagtatanim, ipinaliwanag na ni Mayor Bataoil ang kahalagahan ng aktibidad at hinimok ang mga indibidwal at mga komunidad na magtanim ng mga puno at halaman para sa mga susunod na henerasyon.
Binigyang diin din ni Bataoil ang responsibilidad ng bawat mamamayan sa kalikasan bilang tugon sa malawakang climate change, pagpreserba ng mga kabundukan at pagbibigay ng livelihood sa hinaharap partikular sa industriya ng Ylang-Ylang na unti-unti nang lumalaganap partikular sa mga bayan ng Mangatarem, Bugallon at Aguilar.
Naroon rin sa okasyon ang CEO/Founder ng Chemworld Fragrance Factory na si Ginoong Fred Reyes na handang bilhin ang mga aning Ylang-Ylang flowers upang idiretso sa itatayong extraction facility sa Mangatarem upang gawing essential oil.
Samantala ang Arbor day ay itinakda sa bisa ng Republic Act 10176 o Arbor Day Act of 2012 na pirmado ni dating pangulong Benigno Aquino III noong taong 2012. Sa ilalim ng batas na ito, ang mga Pilipinong edad 12 pataas ay obligadong magtanim ng kahit isang puno bawat taon. (MIO)