
LGU LINGAYEN NAKIBAHAGI SA 1st QUARTER SIMULTANEOUS EARTHQUAKE DRILL
Lumahok ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ginanap na 1st Quarter National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) ngayong araw Marso 11, 2021 alinsunod sa direktiba na National Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC).
Pinangunahan ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO, Bureau of Fire Protection o BFP at Philippine National Police o PNP Lingayen ang nasabing aktibidad.
Sumailalim dito ang mga kawani at empleyado ng Rural Health Unit II sa pangunguna ni Dr. Ferdinad V. Guiang, mga opisyales ng Brgy. Domalandan Center at ilang mga guro mula sa Domalandan Center Integrated School.
Ayon sa LDRRMO, layunin ng earthquake drill na magkaroon ng sapat na kaalaman at kahandaan ang buong komunidad sa panahon na may pagyanig.
Una munang isinagawa ang isang araw na orientation upang makapagbigay ng kaalaman sa mga kababayan kung ano ang mga dapat gawin bago, tuwing, at pagkatapos lumindol.
Sinundan naman ito ng aktuwal na pagsasanay kung saan sabay-sabay ang “Duck, Cover, and Hold” ng mga kalahok matapos na marinig ang hudyat ng drill.
Bukod pa rito, pinalakas din ang ang incident command system sa pamamagitan ng agaran pagtatayo ng incident command post, pagbuo ng incident management team at response cluster na layuning ipakita ang kakayanan ng gobyerno sa pagresponde sa panahon ng kalamidad.
Ipinakita din sa isinagawang drill, ang posibleng epekto ng malakas na pagyanig base sa Municipal Earthquake Impact Reduction Study, pagsasagawa ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis, pagbuo ng camp coordination and management, pagkilala ng rescue and retrieval operation pati na rin ng fire suppression, emergency medical response at management of the dead and missing.
Muli namang nag-paalala sa publiko ang LGU Lingayen at iba pang aktibong ahensya na seryosohin ang mga ganitong uri ng pagsasanay at magkaroon ng sariling paghahanda upang matiyak ang kaligtasan ng kani-kanilang mga pamilya. (MIO)