
LGU LINGAYEN, NAKIISA SA PAGDIRIWANG NG NATIONAL DISASTER RESILIENCE MONTH
Nakiisa ang Lokal na pamahalaan ng Lingayen sa selebrasyon ng National Disaster Resilience Month para sa buwan ng Hulyo na may temang “Sama-samang Pagsulong Tungo sa Katatagan sa Gitna ng Bagong Normal”.
Isinagawa ang pagdiriwang kasama ang mga ng miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO, Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police o PNP Lingayen.
Bilang panimula ng nasabing programa, nagbigay ng kanyang maikling mensahe si Mayor Leopoldo N. Bataoil na siya ring tumatayo bilang MDRRMO Chairperson.
Ikinatutuwa umano ng alkalde ang katapatan at dedikasyon sa trabaho ng mga naturang kawani. Saludo aniya ito dahil nakikita niya ang kanilang sakripisyo para sa bayan. Hiling naman nito na ibahagi ang kanilang kaalaman sa mga barangay lalo na sa mga kabataan upang maging handa din ang mga ito sa lahat ng oras.
“Nakikita ko at nararamdaman ko ang sakripisyo ninyo para sa ating mahal na bayan ng Lingayen. Sana’y hindi kayo magsawa sa pagtulong, hindi lamang sa panahon ng kalamidad o sakuna, pero sa lahat ng pagkakataon. Yong alertness natin, ibaba natin sa lebel ng barangay, pati din sa mga kabataan para matuto silang maging handa” ani Mayor Bataoil.
Ibinahagi din ni Mayor Bataoil ang patuloy na panawagan sa pagbuo ng isang bayang handa sa anumang sakuna.
“Sama sama tayo sa pagbuo ng isang bayan na handa sa anumang klase ng disaster na maaring harapin. Hindi lamang po ito tungkulin ng LGU at national government. Ang disaster preparedness ay usapin na dapat lahat ay nakikiisa” dagdag pa ng alkalde.
Samantala, pasasalamat naman ang ipinaabot ni Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho sa mga nagsisilbing “everyday heroes” ng bayan.
Binigyan pagpupugay ng naturang bise alkalde ang magigiting na mga empleyado na walang takot na humaharap hindi lamang sa sakuna at kalamidad ngunit maging sa pandemiya na dulot na rin ng COVID-19.
Kaugnay naman nito, nagbigay ang lokal na pamahalaan ng Lingayen ng Certificate of Recognition sa ilang kawani ng MDRRMO, PNP at BFP na nagpakita ng tunay na katapatan at maayos na serbisyong publiko.
Nagsagawa din ng motorcade ang mga nabanggit na tanggapan upang ipagbigay alam sa publiko ang pagsisimula ng selebrasyon ng National Disaster Resilience Month o NDRM ngayong buwan. (MIO)