Skip to main content

LGU LINGAYEN PINULONG ANG PRIMEWATER-LIWAD UPANG IPAABOT ANG HINAING NG PUBLIKO

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil at agad hiniling sa mga kinatawan ng Primawater-Lingayen Water District na magbigay ng moratorium sa mataas nitong minimum rate kumpara sa ibang water district, ito ay matapos makatanggap ng mga reklamo ang alkalde ukol sa mataas na singgil nito ngunit hindi dekalidad na supply ng tubig na ginagamit ng publiko.

Ipaparating naman umano ni Engr. Archie Samson sa pamunuan ng Primewater-LIWAD ang dialogo sa alkalde. Sinabi rin nito na nang-ugat pa sa lumang problema ang mataas na singgil umano nila sa tubig, hindi kasi umano nag avail ang LIWAD ng grant mula sa national government matapos ang 1990 Earthquake, kaya’t pasan ng consumers ang bahagi ng bayarin sa anumang teknolohiya o pagbabago na ginagawa ng kumpanya.

Pangunahing dahilan din umano ang kawalan ng maayos na source ng tubig na mapagkuhanan sa bayan dahil sa kasalukuyan umano ang water level ng Lingayen ay kontaminado ng mga “impurities”.

Naglatag naman ng long term solution ang Primewater tulad ng planong pag extract ng tubig mula Labrador papuntang bayan na maaring abutin ng 6 na buwan hanggang 1 taon.

Ngunit pansamantala bilang agarang solusyon hiniling nito na ireport sa kanilang tanggapan kung saang lugar nakakaranas ng maduming tubig upang makapasagawa umano sila ng paglilinis ng filters at pipe scourging o paglilinis ng mga water outflow.

Mas magiging madali umano sana kung may magandang water source sa bayan na mapagkukunan upang maiwasan ang karagdagang bayarin sa anumang improvement na isasagawa.

Kaya naman isinusulong ni Mayor Bataoil ang paglilinis sa mga kailugan sa bayan kabilang na ang sa bahagi ng Tonton dike na ayon din sa Primewater ay magandang source sana ng tubig ngunit sa kasalukuyan at kontaminado ng ng sari-saring dumi. Nakikita kasi itong pinakamalapit na mapagkukunan ng tubig na magagamit ng water district sa hinahanarap.

Pag-aaralan naman ng LGU Lingayen ang pagtatayo ng rain water impounding facility o maging mini dam na maaring pag-imbakan ng tubig mula sa ilog sa panahong mababa ang “salinity” o alat nito na maaring iproseso ng water district.

Sa huli ipinakiusap ng alkalde at maging ni municipal administrator Roberto Sylim na gawan ng paraan na mapababa ang bayarin sa tubig ng taumbayan habang hindi pa naisasa-ayos ang serbisyo nito, nangako naman ang mga kinatawan ng Primewater na ia-akyat nila sa management ang panawagang ito hindi lamang ng lokal na pamahalaan kundi maging ng mga kumukunsumo ng tubig sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan