Skip to main content

LIBRENG FACE SHIELDS, IPINAMAHAGI… CONTACT TRACERS, DARAGDAGAN

Tinatayang nasa dalawampung libong (20,000) piraso ng mga face shields ang libreng ipinamigay ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ngayong araw, ika-22 ng Setyembre, 2020.

Pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pamamahagi nito sa mga medical frontliners, LGU employeess, mga guro, mga barangay officials kabilang na ang kani-kanilang mga tanod at BHWs, PNP, BFP, Market vendors pati na ang mga Senior Citizens sa bayan.

Sa kanyang maikling mensahe, sinabi ni Mayor Bataoil na malaking tulong ang mga ibinigay na faceshields bilang proteksyon sa sarili lalo na umano ngayon na hindi pa nawawala ang banta ng COVID-19.

“Ang COVID ang isang serious health concern na talaga and we want to protect you from COVID-19. We want to make sure that you, your friends, and your family members are protected from the virus. Ang LGU Lingayen po ay magbibigay ng faceshields sa inyo ng libre” ani Mayor Bataoil.

Bawat indibidwal ay bibigyan ng tig dalawang faceshields na maari umano nilang gamitin habang nagbibigay ng kanilang serbisyo publiko.

Ang pagsusuot ng faceshield ay “mandatory” na rin sa bayan ng lingayen kasabay ng pagsusuot ng face mask sa mga tanggapan, pamilihang bayan, establisimyento at iba pang pampublikong lugar.

Samantala, nasa mahigit isang daan at limampung (150) aplikante naman mula sa mga bayan ng Bugallon, Lingayen, Mangatarem at Binmaley ang sumailalim sa interview ng Department of the Interior and Local Government o DILG para maging isang contact tracer.

Ito’y bilang bahagi ng pinaigting na pag-responde ng gobyerno sa coronavirus disease o COVID-19 pandemic.

Ayon sa DILG Lingayen, mahalaga ang pagkakaroon ng sapat na tauhan upang mas maging epektibo ang implementasyon ng pandemic response sa bansa.

Prayoridad naman sa mga kukuhaning contact tracer ang mga nakapagtapos ng allied medical courses at criminology ngunit maaari ring kunin ang mga nagtapos ng ano mang college course.

Ayon pa sa naturang tanggapan, kinakailangan pang dumaan sa training ang mga mga makukuhang kwalipikadong aplikante bago tuluyang sumabak sa bago nilang trabaho.

Idiniin naman ni Mayor Bataoil ang importansiya ng contact tracing bilang isang napakahalaga at subok na estratehiya sa pagpigil sa pagkalat ng virus.

Aniya, ang pagkakaroon ng sapat na bilang ng mga contact tracer ay makatutulong sa bansa na makuha ang isang importanteng patient-to-close contacts ratio na mabisang paraan upang labanan ang pandemya.

Hiling lang ng naturang alkalde na iwasan ang anumang uri ng diskriminasyon lalo na sa mga pasyente bagkus ay igalang na lamang ang kanilang mga karapatan. (MIO/MRBLlanillo)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan