LIBRENG KASALANG BAYAN HANDOG NG LGU LINGAYEN NGAYONG ARAW NG MGA PUSO
Ang magsing-irog na sina Selverio Serafica, 63 taong gulang at Myrna Aquino na edad 64 ang tinaguriang pinakamatandang ikinasal sa isinagawang Kasalang Bayan ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ngayong Araw ng mga Puso.
Parehong 18 taong gulang naman ang pinakabatang ikinasal na sina Jo-Analyn Melchor at Jomar Cantela parehong taga Brgy. Tonton East.
Nagpalitan ng “I Do” ang siyamnapu’t limang (95) magsing-irog sa harap ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na siya ding tumayong solemnizing officer sa nasabing mass wedding ngayong ika-14 ng Pebrero, 2022.
Tulad nang nakagawian, pinag-isang dibdib ang mga kababayan na matagal ng nagsasama o kaya’y may mga supling na ngunit walang kakayahang pinansyal para magpakasal.
Layunin ng LGU Lingayen na gawing legal ang pagsasama ng mga magsing-irog, mabigyan ng apelido ang kanilang mga anaka at mas mapatatag pa ang relasyon at pamilyang kanilang nabuo.
‘Magkaroon kayo ng quality time together. Ipahayag niyo sa isa’t isa ang mga plano niyo sa buhay upang mas maging succesful ang inyong pagsasama at palaging gawing sentro ng inyong pagsasama ang ating Panginoon’ ang naging payo ni Mayor Bataoil sa mga magsing irog.
Para naman kay Vice Mayor Judy Vargas Quiocho, gawin aniyang inspirasyon ang tamis ng isang cake para sa kanilang relasyon.
“Iyong cake po natin, sana ganyan din po yong maging relationship niyo. Kung gaano po katamis ito ay sana ganoon din po ang samahan ninyo” ani bise alkalde.
Muli namang pinasalamatan ng dalawang mataas na opisyal ang tanggapan ng Local Civil Registrar sa pamumuno ni Ginoong Joan Jude Lopez at lahat ng mga tumulong dahil tagumpay muli ang pagsasagawa ng mass wedding o kasalang bayan.
Maging ang mga Sangguniang Bayan members, department heads at ilang mga empleyado ng munisipalidad na naging saksi din sa makasaysayang okasyon ay hindi rin nakalimutang pasalamatan ng alkalde.
Matatandaan na ito na ang ikatlong Kasalang Bayan na inorganisa ng LGU Lingayen sa pamumuno ni Mayor Bataoil. Tema naman ng naturang okasyon ngayong taon ay “Mga Pares na Pinagtagpo, Pag-iisahin sa Araw ng mga Puso”. (MIO)