LIBRENG SERBISYO, HANDOG SA MGA KABABAIHAN NG LINGAYEN SA PAGDIRIWANG NG NATIONAL WOMEN’S MONTH
Binigyang halaga at pagpupugay ang mga kababaihan ngayong araw Marso 7, 2025 sa ginanap na paggunita sa 2025 National Women’s Month sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), Gender and Development (GAD) Lingayen, Philippine Commission on Women, at JCI Lingayen Liberation II.
Bilang bahagi ng pagdiriwang, idinaos ang programang “Serbisyo Para Kay Juana: Ligliwa na Bibii” na naglalayong ipagdiwang ang diwa ng pagkakapantay-pantay at bigyang-lakas ang mga kababaihan ng Lingayen.
Sinimulan ang aktibidad sa isang Zumba session, kung saan lumahok ang mga kababaihan upang ipakita ang kanilang sigla at pagkakaisa. Nagpakita rin ng suporta si Mayor Leopoldo N. Bataoil, na nagbigay ng isang makabuluhang mensahe. Binigyang-diin niya ang hindi matatawarang kontribusyon ng mga kababaihan, hindi lamang sa loob ng tahanan kundi pati na rin sa pag-unlad ng buong komunidad.
Dumalo rin sa programa sina Vice Mayor Mac Deter Malicdem, Councilor Rasel Cuaresma, na kasalukuyang Chairman ng Committee on Women, Children, and Handicapped, Councilor Jonathan Ramos, Pastora Regina Sison, JCI Lingayen Liberation II President King Jiggy Najera, JCI Area 1 Vice President Drew Botulan, Former Councilor and Former JCI Regional Vice President Maan Verzosa, at iba pang panauhing pandangal na nagbigay ng kani-kanilang inspirasyonal na mensahe.
Isa sa tampok na bahagi ng selebrasyon ay ang film viewing ng pelikulang “Que Sera Sera”, na tumatalakay sa mahalagang adbokasiya ng paglaban sa pang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
Bukod dito, naghandog din ang lokal na pamahalaan ng iba’t ibang libreng serbisyo para sa kababaihan, kabilang ang haircut, manicure, pedicure, at massage. Nagkaroon din ng skills training at Women’s Laws forum upang mapalawak ang kaalaman ng mga kababaihan tungkol sa kanilang mga karapatan at oportunidad sa pangkabuhayan.
Ayon kay Mayor Leopoldo N. Bataoil, ang pagdiriwang na gaya nito ay isang pagpapatunay na sa bayan ng Lingayen ay binibigyang halaga at importansya ang mga kababaihan. Tinitiyak din ng alkalde na tuloy-tuloy ang serbisyo publiko na ibinibigay sa mga kababaihan sa tulong ng iba’t ibang departamento sa lokal na pamahalaan at maging mula sa iba’t ibang pribadong individual at grupo.
Ang matagumpay na pagdiriwang ng National Women’s Month sa Lingayen ay patunay ng patuloy na pagsuporta ng pamahalaan sa pagkakapantay-pantay ng kasarian at pagpapalakas sa mga kababaihan bilang mahalagang bahagi ng lipunan. (MIO_PJBayog)