Skip to main content

Libreng Serbisyo Medikal Hatid Ngayong World Diabetes Day

Bilang pagdiriwang sa World Diabetes Day, isang makabuluhang aktibdad ang isinagawa ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pangunguna ng Municipal Health Office o MHO, ika-14 ng Nobyembre, 2023.
Libreng serbisyo ang inihatid ng Rural Health Unit I partikular sa mga may sakit na diabetes. Nagkaroon ng Non-Communicable Disease Risk Assessment, Random Blood Sugar Testing, Diabetes Education Campaign, Medical Consultation at Medicine Distribution.
Unang isinagawa ang isang orientation kung saan ibinahagi ang mga posibilidad na sanhi ng pagkakaroon ng diabetes at kung paano ito maiiwasan.
Ayon sa MHO Lingayen, ang mga taong may mataas na risk sa diabetes ay ang mga overweight at may family history nito. Ang mga masamang epekto ng sakit ay pagkabulag, pagkaputol ng paa, hypertension, stroke at sakit sa kidney na humahantong sa dialysis.
Itinuro din ang tamang management nito tulad ng regular na pag-eehersisyo, pag inom ng walong baso ng tubig sa isang araw, pagkain ng balanced diet at marami pang iba.
Sa kabuuan, nakapagtala ang RHU 1 ng pitumpu’t siyam (79) bilang ng mga nagpakonsulta at ilan sa mga ito ay nabigyan ng oral anti-glycemia at naresetahan ng insulin. Nagbigay din ng libreng gamot ang naturang tanggapa tulad ng Metformin, Gliclazide, Multivitamins, at Vitamin B Complex.
Layon ng proyekto na mapalaganap sa publiko ang kaalaman hinggil sa naturang sakit at upang maiwasan ang pagkakaroon ng nasabing kondisyon. Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga tanggapan ng RHU I, II at III dahil sa patuloy na pagsasagawa at pagbibigay ng libreng serbisyong medikal sa mga kababayan. Nangako ito na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ang pagpapalawig ng mga programang nakatuon sa usaping pangkalusugan ng bawat Lingayenense. (MIO_MRVinluan)
📸MHO Lingayen

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan