Skip to main content

LIBRENG SERBISYO PARA SA KABABAIHAN IPINAGKALOOB KAUGNAY PA RIN NG WOMEN’S MONTH CELEBRATION

Tagumpay na naidaos ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Vice Mayor Judy Vargas Quiocho ang Serbisyo Para kay Juana o isang One Stop Shop para sa mga kababaihan.

Bahagi pa rin ito ng pagdiriwang ng National Women’s Month o buwan ng kababaihan ngayon Marso.

Ilang mga serbisyo ang libreng naibigay sa mga Juana’s o mga kababaihan bilang pagpupugay sa kanilang kadakilaan.

Kabilang ang Livelihood Training Program ng TESDA, RHU Services o libreng check up upang mas lalo pang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kababaihan, pati na ang pamamahagi ng mga gamot at vitamins lalo na sa mga buntis.

Nagbigay din ng libreng mga binhi ang Municipal Agricultural Office sa pamumuno ni Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz.

Libreng Legal Assistance naman ang hatid ni Atty. Dominique Evangelista habang Pampering Services o libreng gupit, manicure, pedicure at iba pa ang ibinahagi ng JCI Lingayen Bagoong sa pakikipag-ugnayan na rin kay Ms. Scarlet Mendoza ng Gorgeous Salon.

Binigyang diin naman ni Mayor Bataoil na nararapat lamang na bigyan ng pagpupugay ang lahat ng mga kakabihang maituturing na siyang lakas at sandigan ng mga kalalakihan.

Aniya, ang isang matatag na lipunan ay mula sa mga kababaihan kaya dapat lamang na ibigay sa kanila ang pinakamataas na pedestal ng pagmamahal, paggalang, respeto at pagtanggap.

“They have a meaningful role in our nation building and our mission naman is to protect them” ani Mayor Bataoil.

Samantala, nangako naman si Vice Mayor Quiocho na bilang isang Lingkod ng Bayan ay mas palalakasin at ipagpapatuloy nito ang pagtataguyod sa mga karapatan ng bawat kababaihan lalo na sa bayan na kanyang pinaglilingkuran.

‘Hindi tayo titigil na palakasin ang boses ng lahat ng kababaihan dito sa Lingayen’ pahayag ng bise alkalde.

Present din sa okasyon ang iba pang myembro ng Sangguniang Bayan, ilang department heads at kawani ng lokal na pamahalaan. Habang naki-isa rin sa pagdiriwang sa bayan si Board Member Chinky Perez bilang panauhin sa isinagawang programa ngayong araw para sa mga kababaihan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan