Skip to main content

LIBRENG WHEELCHAIR IBABAHAGI SA MGA PWDs

Naghatid ng kasiyahan ang lokal na pamahalaan ng Lingayen sa mga kababayang persons with disabilities sa pamamagitan ng pamamahagi ng libreng wheelchairs.

Ipinag utos ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pamimigay nito, maliban pa sa mga nakatakdang ipagkaloob ng Provincial Government sa pamamagitan nang idinaos na Wheelchair Assessment for PWD ng lalawigan katuwang ang LGU Lingayen at Ilocos Training Regional Medical Center Staff ngayong araw ng Lunes, ika-24 Abril, 2023.

Tatlong bayan na kinabibilangan ng Bugallon, Labrador at Lingayen ang naimbitahang may mga PWDs na magtungo sa Lingayen Civic Center upang sumailalim sa naturang assessment.

Kapag pasok sa criteria tulad na lamang ng mga wala nang kakayanang makatayo ay otomatikong mabibigyan ng wheelchair habang libreng saklay naman ang ibibigay sa mga indibidwal na kaya pang tumayo ngunit hirap na sa paglalakad.

Ayon sa mga nagsilbing Guest Assessors, marami sa mga kababayan ang hirap makakilos, makagalaw at makapaglakbay ng malaya dahil sa iniindang karamdaman o kapansanan. Kaya naman napakalaking tulong umano ang ilang instrumento gaya ng saklay o tungkod at wheelchair upang maibsan ang paghihirap na ito at maging mas madali para sa kanila ang pagkilos at pagtatrabaho.

Samantala, inihayag naman ni Mayor Bataoil ang taospusong pasasalamat sa provincial government sa pagsasagawa ng naturang programa na aniya’y makakatulong ng malaki sa mga nakakatanda at PWDs.
Asahan aniya na ipagpapatuloy ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang mandato na siguruhing may nakatutok sa kapakanan ng persons with disability sa bayan at magpatupad ng mga programa at proyekto na tutugon sa kanilang mga pangangailangan. (MIO_MRLlanillo/JMAquino)

📸MIO/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan