
LIMAHONG CHANNEL TOURISM CENTER, INIHAHANDA NA PARA SA MULING PAGBUBUKAS NG TURISMO SA BAYAN
Plano ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen na gawing tourism landmark ang bago at ipinagmamalaki nitong Limahong Channel Tourism Center (LCTC) upang mas mapasigla ang turismo sa bayan kasabay ng pagharap sa “new normal”.
Pinulong mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ngayong araw, ika-6 ng Nobyembre, 2020 ang ilang kawani ng munisipalidad, kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), contractor at architect ng naturang pasilidad at si Provincial Tourism Officer Malu Elduaya na kumakatawan kay Gov. Amado “Pogi” I. Espino III.
Ilan lamang sa mga napag-usapan ay ang mga hakbang at proseso na maaring gawin upang tuluyan na itong mabuo bilang isang tourist attraction sa bayan at masimulan na ang operasyon sa susunod na taon.
Kabilang sa mga napag planuhan ay ang paglalagay ng mga historical artifacts at iba pang mga produkto na nagpapakilala sa Lingayen. Balak din ng LGU na magpatayo ng sarili nitong gallery kung saan mayroon itong disenyong hango o nagpapakita ng mayamang kultura ng bayan.
Plano ding i-replicate dito ang pamosong Loboc River Cruise bilang karagdagang atraksyon, pagtatayo ng sunset garden, pavilion, at maging mga aktibidad tulad ng all-terrain vehicle (ATV) tours, at iba pa.
Nakatakda ding maglagay sa mismong lugar ang malaking iskultura ng piratang Instik na si Limahong na nanatili sa Pilipinas noong 1574, kung saan isinunod ang pangalan ang LCTC.
Maaari din umanong pagdausan ng wedding ceremonies, special events at iba pang educational activities ang LCTC dahil sa laki at lawak nito.
Bagama’t nakabinbin pa sa kasalukuyang ang konstruksyon ng Phase 2 at 3 nito dahil sa kakulangan ng pondo umaasa si Mayor Bataoil na tuluyan nang maisaayos ang mga kakulangan sa Phase 1 upang maging operational na ito sa darating na Enero at muli nang makabangon ang sektor ng turismo sa bayan. (MIO)