
LIMANG BAGONG MIYEMBRO NG PNP, MALUGOD NA TINAGGAP NG LGU LINGAYEN
Malugod na tinanggap ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang limang bagong miyembro ng Philippine National Police (PNP)-Lingayen Police Station na tutulong sa pangangalaga ng kapayapaan at kaayusan ng bayan.
Pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang pagsalubong kina Police LT. Richard Martin Castillo, Police Lt. Mark Andrew Calisog Yampan, Police Lt. Jerwin Lucena Cabreros, Police Lt. Arcadio Banaga Pidlaoan Jr, at Police Lt. Marlon Valdez Ramos.
Ayon sa alkalde, tututukan ng mga bagong recruit na pulis ang tatlong cluster areas sa bayan na kinabibilangan ng Southern, Western at Central barangays.
Pinaplano na rin ang pagkakaroon ng tatlo pang karagdagang PNP Substations o Police Community Precinct na itatayo sa mga mapipiling lugar mula sa nabanggit na tatlong klaster.
Tulad ng mga regular na himpilan, magkakaroon din umano ito ng Temporary Detention Cell, Admin Office, Barracks at designated patrol vehicle. Balak din ng alkalde na bigyan ang mga ito ng Digital Mobile Radio na pwedi nilang magamit sa pakikipag ugnayan sa mga opisyales ng barangay pati na sa mga rumurondang tanod.
“Kailangan din syempre na magkaroon ng radyo na pwedeng mag-connect sa mga barangay captains natin at mga tanod, just in case mayroong emergency, tawag lang sila sa PNP” ani Mayor Bataoil.
Ayon pa sa alkalde, maituturing na biyaya ang pagdating ng limang bagong miyembro ng PNP dahil malaking tulong ito sa pagdagdag ng police visibility at masiguro ang peace and order, gayundin ang kaligtasan at seguridad ng kanyang mga kababayan.
Sa huli, hinikayat ni Mayor Bataoil ang mga ito na gawin ang ini-atang sa kanilang tungkulin para sa Diyos, sa bayan, at sa kani-kanilang pamilya nang “walang halong katiwalian.” (MIO)