LINGAYEN EDUCATIONAL ASSISTANCE, IPINAMAHAGI SA MGA ISKOLAR NG BAYAN
Natanggap ngayong araw, ika-13 ng Hunyo, 2023, ang educational assistance ng tinatayang nasa dalawang daang (200) mga estudyante na kabilang sa Batch 2 at 3 ng Lingayen Scholarship Program ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Pinangunahan nina Vice Mayor Mac Dexter Malicdem,na siyang kumakatawan rin kay Mayor Bataoil, Councilor Jolo Lopez, na siyang Committee Chairman on Education at ang mga kawani ng Municipal Treasury Office ang pamamahagi ng stipend o educational allowance na nagkakahalaga ng limang libong piso (P5,000) para sa ikalawang semestre ngayong academic year ng 2022-2023.
Ayon kay Vice Mayor Malicdem, patuloy ang pagsuporta at pagtulong ng lokal pamahalaan sa mga iskolar ng bayan hanggang sa makatapos sila ng pag-aaral kaya naman inaasahan ding gamitin ng mga ito ang natanggap na financial grant sa wasto at maayos na paraan. Dagdag aniya, lubos ang kaniyang paniniwala na ang mga nasabing Iskolars ay ang mga susunod na lider, mga matagumpay na propesyonal, at magiging katuwang ng pamahalaan sa mga adhikain at adbokasiya tungo sa aktibo, progresibo at nagkakaisang mga kabataan ng Lingayen.
Nagsimula ang Lingayen Scholarship Program taong 2020 at ang mga nasabing scholars ay ang mga mapapalad na nakapasa qualifications at examination ng LGU Lingayen. Tinitiyak naman ni Mayor Bataoil na sisikapin ng lokal na pamahalaan at ng buong Sangguniang Bayan na patuloy na madadagdagan ang mga Iskolar ng Bayan taon-taon upang mas maraming kabataan ang matulungan sa bayan para maipagpatuloy nila ang kanilang pag-aaral at matupad ang kanilang mga minimithing pangarap sa buhay. (MIO/JMMangapot)
📸MIO/CCacondangan