
LINGAYEN KASALANG BAYAN ika-20 ng Pebrero, 2020
Matagumpay na idinaos ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ngayong araw, ika-20 ng Pebrero, 2020 ang isang modified Kasalang Bayan.
Mula sa 143 na mga magsing-irog ay hinati ito sa tatlong batch at siyang ikinasal ni Lingayen Mayor Leopoldo N. Bataoil, bilang isa sa mga opisyal na tungkulin ng alkalde ng bayan.
Punung-puno ng pagamahalan at kasiyahan ang naganap matapos gawin ang pag-iisang dibdib ng mga ito na karamihan ay nagsasama na ngunit hindi pa pormal na ikinakasal.
Bago simulan ang nasabing okasyon, tiniyak ng butihing alkalde na nasunod ng lokal na pamahalaan ng Lingayen ang mga deriktibang ibinaba ng Department of Health, Department of the Interior and Local Government at ng Provincial Government kaugnay sa isyu ng coronavirus.
Bilang tugon, nagpamahagi ng libreng facemask at alcohol ang Municipal Health Office ng bayan sa lahat ng mga dumalo at nakibahagi sa naturang selebrasyon.
Isa-isa ding dumaan sa thermal o body temperature checking ang publiko upang matiyak na ang mga ito ay nasa mabuting kalagayan.
Samantala, ipinaalala ni Mayor Bataoil ang mga responsibilidad ng pag aasawa at pagkakaroon ng pamilya.
Sa bahagi ng kanyang mensahe, sinabi nitong kailangang ang mag-asawa ay laging magkatuwang sa pagsasama sa hirap man o ginhawa. Anuman aniya ang mga biyaya na natanggap sa kanilang pagsisikap ay dapat may prayoridad at direksiyon ang pag-uukulan.
Dagdag pa nito, kung may di umano pagkakaunawaan ay kailangang magkaroon nang maayos na komunikasyon; laging mag-usap upang malutas ang problema sa madaling panahon.
Libre naman ang lahat ng municipal fee ng mga kinasal habang tumayong mga sponsors o ninong at ninang ang mga halal na opisyal at department heads ng bayan.
Isinagawa ang modified kasalang bayan upang mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng mga magsing-irog na gawing legal ang kanilang pagsasama gayundin ang pagiging lehitimo ng kanilang mga supling.
Samu’t saring regalo naman ang tinanggap ng 143 copules mula sa alkalde, mga opisyal ng Sangguninang Bayan ng Lingayen at iba’t ibang partners ng lokal na pamahalaan na pawang layunin ay magbigay ng serbisyo publiko sa kanilang nasasakupan.
Ikinatuwa naman ni Mayor Bataoil ang kooperasyon ng lahat sa kakaibang “masked mass wedding” habang ipinaabot din ang pagbati sa lahat ng mga tumulong upang maging matagumpay ang aktibidad sa pangunguna ng local civil registrar office ng bayan. MIO)