Skip to main content

LINGAYEN ‘LIWAWA NA BALEY’ NAGSIMULA NANG MAGBIGAY KASIYAHAN

Ramdam na ang ang pagsalubong sa kapaskuhan sa bayan ng Lingayen matapos ang matagumpay na pagdaraos ng Liwawa Na Baley Christmas Lighting Ceremony ngayong araw ng Huwebes, ika-30 Nobyembre 2023.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, gayundin ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan sa pamumuno ni Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem, department managers at ng mga kawani ng lokal ng pamahalaan. Nakiisa rin sa pagdiriwang ang mga Board Members ng segundo distrito ng Pangasinan na sina BM Haidee S. Pacheco at BM Philip Theodore Cruz, gayundin ang mga Limgas na Baley na Lingayen 2024 Candidates, iba pang mga panauhin at ng publiko.
Bago naganap ang seremonya ng christmas lighting sa harap ng municipal hall, idinaos muna ang isang banal na misa sa Lingayen Civic Center na pinangunahan ni Rev. Fr. Christian Joy D. Bataoil. Kasunod nito ay nagtanghal ng mga pampaskong awitin ang Epiphany of our Lord Co-Cathedral Parish Chorale at malapiyestang sayaw ang kanilang Parish Youth Ministry.
Matapos nito ay pinangunahan ng mga opisyal ang countdown na naging hudyat ng pagliwanag sa mismong bayan, kabilang na ang plaza, Municipal Hall, harap ng palengke pati na ang simbahan matapos na mabalot ang mga ito ng christmas lights at iba pang mga dekorasyon o palamuti.
Hindi rin mawawala ang Giant Christmas Tree na inspired ng temang ‘barrio fiesta’ ngayong taon. Nakapalibot dito ang mga lokal na produktong sikat na binebenta hindi lamang sa Lingayen ngunit pati na rin sa lalawigan. Matutunghayan din ang life-sized “Belen” na nagtatampok ng ilang oras na may live human characters. Maging ang makukulay na pa-ilaw sa elevated walkway, public market at sa loob mismo ng Lingayen Plaza Garden.
Dagdag atraksyon din ang water fountains sa harap ng plaza dahil sa iba’t ibang kulay ng mga ilaw na lumalabas dito. Nariyan rin upang magdagdag palamuti ay ang mga naglalakihang parol na gawa sa recyclable materials ng ating mga kabaleyans na persons-with-disabilities (PWD’s).
Nagagalak naman si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa positibong tugon at reaksyon ng ating mga kababayan sa naturang aktibidad. Iniimbitahan din ng alkalde ang publiko na sa pamamagitan ng tema ng kapaskuhan ngayong taon, nawa’y gunitain at damhin ang saya ng buhay ng nakaraan. Dagdag ng alkalde, ang kasiyahan ng buhay ay maaaring malasap kahit sa mga simpleng bagay. (MIO_MRLVinluan/ JMMangapot)
📸MIO/RCSoriano/DJEstrada/DDeGuzman/CCacondangan/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan