LINGAYEN MUNICIPAL SLAUGHTERHOUSE, GINAWADAN NG DOUBLE A LICENSE TO OPERATE NG NMIS
Maaari ng makapgsimula ng operasyon ang slaughterhouse ng lokal na pamahalaan ng Lingayen matapos itong gawaran ng Double A-License to Operate (Initial) mula sa National Meat Inspection Service o NMIS.
Ibig sabihin, binibigyan na ang naturang tanggapan ng pahintulot para sa pagkatay ng mga baboy, baka at kalabaw para sa lokal na merkado.
Ayon kay Market Supervisor Arnulfo Bernardo, nakapasa ang naturang tanggapan sa mga itinakdang pamantayan ng NMIS o ang Meat Inspection Code of the Philippines. Dahil dito, mas makatitiyak ang publiko na malinis, dekalidad at ligtas kainin na karne ng baboy, baka, at iba pang livestock na kakatayin mula sa naturang pasilidad.
Bukod sa pagkatay, maaari na rin umanong ibyahe at ibenta ang karne mula sa ibang bayan o lugar.
Binigyan diin din ng naturang opisyal na ang pagsisimula ng operasyon ng slaughterhouse ay makatutulong sa livestock producers, meat vendors pati na local butchers. Patunay din ng naturang lisensya ang pagsusumikap ng tanggapan na makapaghatid ng ligtas at de-kalidad na karne sa komunidad.
Samantala, hinikayat naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang lokal na pamahalaan na panatilihin ang maayos na pamamalakad ng naturang pasilidad upang maabot din nito sa susunod ang itinakdang international standars sa meat processing at mapalago pa lalo ang meat industry sa bayan.
Ang Double A slaughterhouse ay matatagpuan sa Domalandan West, Lingayen, Pangasinan. Tatagal ang naturang lisensya nito hanggang Desyembre 5, 2025 o anim na buwan mula sa unang accreditation. Kung maayos at maganda ang magiging monitoring ay maaaring mag-renew hanggang isang taon. Kapag maganda ang resulta ng serye ng surveillance pagkatapos ng isang taon ay maaari ng mag-avail ng tatlong taon na accreditation.
(MIO_MRVinluan)
SBM Ramos