LINGAYEN NAKI-ISA SA FIRE PREVENTION MONTH
Sinimulan na ng Bureau of Fire Protection o BFP Lingayen ang kanilang mas pinaigting na kampanya para sa Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Taunan itong ginugunita sa buong bansa kung saan nilahukan naman ng BFP Lingayen.
Isang kick-off motorcade ang nagsilbing hudyat sa pagsisimula ng selebrasyon ng naturang programa kung saan may tema itong “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa!”.
Umikot sa pangunahing lansangan sa bayan ang mga firetrucks upang mas mapalakas pa ang kampanya sa fire safety awareness ng publiko at imulat ang kamalayan ng mga mamamayan na maging maingat at iwasan ang anumang uri ng sunog.
Ayon sa tanggapan ng BFP Lingayen, may mga nakalatag umano silang mga aktibidad na kaugnay ng paggunita sa Fire Prevention Month tulad na lamang ng mga information drive/campaign.
Nakatakda ding kamustahin ang CFAG o Community Fire Auxiliary Group at mga kabalikat charity groups na siya umanong katuwang ng BFP sa pag pigil sa sunog.
Kaugnay nito, ipinaalala ng naturang tanggapan sa publiko ang kahalagahan ng pagiging handa anumang oras laban sa sunog na maaaring sumira sa mga ari-arian at kumitil ng buhay.
Samantala, naging katuwang ng BFP Lingayen ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen at Lingayen PNP sa pagbubukas ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso. (MIO)