Skip to main content

LINGAYEN NAKIISA SA BAYANIHAN BAKUNAHAN

Umarangkada na sa bayan ng Lingayen ngayong araw ang Bayanihan Bakunahan o ang 3-day COVID-19 national vaccination days ng gobyerno.

Aktibo itong nilahukan ng Lokal na Pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.

Bago tuluyang sumabak sa nasabing aktibidad, isang maikling mensahe ang ibinigay ng alkalde sa kanyang mga kababayan sa launching program.

Ipinaalala nito ang kahalagahan nang pagbabakuna lalo na umano ngayong panahon na may banta pa rin umano ng COVID-19.
Ayon sa alkalde, ang pagpapabakuna lamang ang susi upang magkaroon ng proteksyon hindi lamang sa sarili ngunit maging sa pamilya at iba pang mga mahal sa buhay.

Pinawi din nito ang takot, pangamba at agam agam ng publiko patungkol sa nasabing bakuna. Aniya, ligtas ang COVID-19 vaccine na gamit ng gobyerno sa mga Pilipino.

“Sa mga hindi naniniwala, maniwala po kayo. Kami na nandito, at ako rin mismo ang tetestigo na ang bakuna ay epektibo, buhay pa po ako at ito po ang proteksyon natin sa ating mga sarili. Ito rin ang makakapag-panumbalik sa ating ekonomiya” ani Mayor Bataoil.

Matatandaan na nagtalaga ang LGU Lingayen ng limang vaccination sites sa bayan na kinabibilangan ng mga sumusunod:

Lingayen Civic Center (Plaza)
Domalandan Center (RHU2)
Basing Covered Court (RHU3)
Maniboc Covered Court
Estanza Covered Court

Dito maaaring magtungo ang mga nais magpabakuna na kabilang sa A1 hanggang A5 priority group at mga menor de edad na nasa 12 hanggang 17 taong gulang mula November 29 hanggang December 1.

Bukas ang mga bakunahan sa mga kababayan pati na rin ang residente mula sa ibang lugar.

Kinakailangan lamang na magdala ng anumang valid ID habang Original copy or certified true copy ng Birth Certificate issued by the Philippine Statistics Authority o PSA at may kasama ding guardian ang mga menor de edad.

Pinapaalalahanan naman ang lahat na sumunod sa ipinapatupad na minimum health protocols sa mga vaccination sites kabilang ang pagsusuot ng face mask at pagobserba sa social distancing.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang lahat ng nakibahagi sa programa mula sa mga vaccinators, support groups at maging mga sponsors na nagpaabot ng tulong para sa ikatatagumpay ng naturang programa.

Ang Bayanihan, Bakunahan ay maliban pa sa isinasagawang regular na pagbabakuna ng LGU Lingayen tuwing Lunes hanggang Byernes sa mga nabanggit na lugar.(MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan