
LINGAYEN, NANANATILING NCOV FREE MUNICIPALITY ASF, PATULOY NAMANG BINABANTAYAN
Nanatiling walang kaso ng 2019 Novel Coronavirus- Acute respiratory Disease (2019-nCoV-ARD) sa bayan ng Lingayen.
Ito ang muling tiniyak ni Municipal Health Officer Dra. Sandra Gonzales sa ginanap na flag raising ceremony ngayong araw, ika-10 ng Pebrero, 2020.
Binigyang diin ni Gonzales na patuloy ang kanilang ginagawang pagpupulong kasama ang ilang mga concern agencies upang kumprehensibong matalakay ang mapanganib na 2019-nCoV at makabuo ng mga hakbang para mapanatiling ligtas sa nasabing virus ang bayan.
Kabilang aniya sa mga nailatag na aksyon ay ang tuloy tuloy na information dissemination o pagbibigay abiso sa publiko lalong lalo na sa mga paaralan.
Pahayag pa ni Gonzales, dapat umanong magkaroon ng “personal preparations” ang bawat isa upang maprotektahan hindi lamang ang kanilang sarili ngunit maging ang kanilang mga anak at pamilya.
Sinang-ayunan naman ito ni Dr. Ferdinand Guiang ng Rural Health Unit II at sinabing ang ‘prevention’ o pag iwas sa naturang sakit ang pinakamainam na paraan.
Nanawagan naman ito sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng ‘fake news’ o maling impormasyon patungkol sa 2019 nCov- ARD dahil nagdudulot lamang umano ito ng panic sa publiko.
Lagi lamang aniyang tatandaan na mabisang panlaban sa anumang uri ng sakit ang pagpapalakas ng resistensya ng katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo, masustansiyang pagkain at pag-iwas sa pagpupuyat.
Binigyang diin din ni Dr. Guiang ang kahalagahan ng palagian at wastong paghuhugas ng kamay, gayundin ang pag-iwas muna sa matataong lugar.
Samantala, nagbigay din ng update patungkol sa African Swine Fever o ASF cases sa bayan.
Ayon kay Dr. Jason Baradi, municipal veterinarian, mahigpit pa rin nilang binabatayan ang Brgy. Namolan at Brgy Libsong na kapwa nagpositibo sa naturang sakit.
Bagama’t hindi umano ito dapqt ika-alarma, mainam pa rin umano ang mano-manong inspeksyon at quarantine sa mga backyard hogs para matiyak na wala nang maapektuhan pa ng ASF.
Sa ngayon, nananatili ang pagpapatupad ng total ban sa pag-angkat, paglabas at pagpasok ng mga baboy mula sa mga lugar na apektado ng ASF.
Kasabay ng mga nabanggit na usapin ay ang panawagan din ni Municipal Administrator Roberto Sylim sa mga empleyado ng munisipalidad na magkaroon ng dedikasyon sa kani-kanilang mga trabaho.
Kasunod na rin ito ng mga ulat na may mga ilan umano ang pumapasok lamang upang magtime-in at agad ding umuuwi.
Nanindigan ang opisyal na ang ganitong pag uugali ay hindi kinukunsinte ng kasalukuyang administrasyon. Aniya, dapat na itong kalimutan at baguhin at palitan nang pagkukusa at dedikasyon .
Sa ganitong paraan aniya maipapakita sa publiko ang tunay na kahulugan ng isang tunay na lingkod ng bayan. (MIO)