
LINGAYEN PNP, IPINAGDIWANG ANG IKA-26 NATIONAL CRIME PREVENTION WEEK
Sinimulan na ng Philippine National Police o PNP Lingayen ang pagdiriwang ng 26th National Crime Prevention Week Celebration na may temang : “Komunidad Pangalagaan nang Pandemya at Krimen Maiwasan”.
Isang motorcade ang kanilang isinagawa bilang hudyat ng pagsisimula ng naturang selebrasyon.
Nilahukan naman ito ng mga kawani ng PNP, Bureau of Fire Protection (BFP), Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) at Public Order and Safety Office (POSO).
Ayon sa pulisya na nanguna sa naturang kampanya, hindi hihinto ang kanilang buong pwersa upang panatilihin ang kapayapaan at katahimikan sa bayan.
Mas paiigtingin pa umano ang kanilang kampanya kontra kriminalidad sa pakikipagtulungan at pakikipag-ugnayan na rin sa lokal na pamahalaan ng Lingayen, iba pang ahensya ng gobyerno at mamamayan.
Samantala, ilan naman sa mga pinaplanong aktibidad na gagawin sa buong linggo ng selebrasyon ay pamamahagi ng mga Information Education and Communication (IEC) materials, pag sasagawa ng mga seminar, forum at iba pang aktibidad tungkol sa Campaign on Awareness on Crime Prevention.
Plano din ng PNP na maglunsad ng anti-drug symposium para sa mga Sangguniang Kabataan (SK) ng bayan.
Sa ngayon, nagsabit na ng mga tarpaulins ang pulisya sa pangunahing lansangan bilang tanda ng naturang selebrasyon.
Hiniling naman ng PNP Lingayen na makipagtulungan ang bawat mamayan at kababayan para sa katiwasayan ng bayan at huwag umanong mag-atubiling hingin ang kanilang tulong kung kinakailangan. (MIO)