Skip to main content

LINGAYEN PNP, NANGUNA SA UNIT PERFORMANCE EVALUATION RATING SA BUONG REGION 1

Nanguna ang Philippine National Police (PNP) Lingayen sa buong rehiyon uno sa isinagawang Unit Performance Evaluation Rating (UPER) at nagkamit ng 98.86% na marka para sa buwan ng Mayo.
Dahil rito, binigyan ng pagkakilala ngayong araw, ika-19 ng Hunyo 2023, ng Pangasinan Provincial Police Office (PPO) na pinamumunuan ni Provincial Director PCOL Jeff Fanged ang ating mga kapulisan sa Lingayen Police Station sa pangunguna ni Chief of Police, PLTCOL Roderick Y. Gonzales.
Mayroong apat(4) na batayan sa pagbibigay ng parangal sa mga yunit ng kapulisan sa rehiyon. Ito ay ang (1)Operations, (2)Investigations, (3)Intelligence at (4)Police Community Relation Activities. Bilang tugon ng PNP Lingayen dito, inilunsad ang “Oplan Limpyu” na naglalayong mapalawig ang pagsulong ng Anti-Criminal at Environmental Friendly Campaign para masugpo ang anumang krimen at ilegal na aktibidad na laganap sa bayan gayundin ang pagtulong sa pagsasaayos ng kapaligiran.
Kaya naman mula sa ika-44 na pwesto sa buong lalawigan noong buwan ng Abril ay nanguna ang hanay ng kapulisan ng Lingayen para sa buwan ng Mayo. Ang naturang parangal ay maituturing na isang malaking indikasyon nang pagkakaroon ng maayos na pamamalakad at ang buong kapulisan sa bayan ay puno ng dedikasyon, propesyonalismo at katapatan sa paglilingkod.
Ayon kay PLTCOL Gonzales, ang pagkilalang natanggap ay bunga ng kanilang pagsisikap na mapaigting ang “trust and confidence” ng taong bayan sa kanilang hanay. Tiniyak din ng Hepe na patuloy ang ginagawang aksyon para matugunan ang mga hinaing ng taumbayan at asahan umano ang kanilang kooperasyon sa lahat ng programa ng lokal na pamahalaan ng Lingayen na pinamumunuan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Lubos naman ang pagbati ni Mayor Bataoil sa kapulisan dahil sa hindi matatawarang husay at dangal sa paglilingkod para sa kaligtasan at serbisyo publiko sa bawat Lingayenense. (MIO)/JMMangapot)
📸CTTO

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan