
LINGAYEN TEMPORARY SHELTER, PINASINAYAAN
Pinasinayaan noong lunes, ika-5 ng Hunyo, 2023 ang bagong Lingayen Temporary Shelter-Crisis Intervention Center (LTS-CIC) sa bayan ng Lingayen.
Pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama sina Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem, Municipal Social Welfare Officer Lorenza R. Decena, at maging ang Seal of Good Local Governance (SGLG) Regional Assessment Team sa pangunguna ni LGOO Cluster Leader VII Roger Daguioag, ang naturang aktibidad.
Ang LTS-CIC ay ang magsisilbing pansamantalang tuluyan ng mga residente sa bayan lalo na ang mga kababaihan at kabataan na biktima ng pang-aabuso, pangmomolestiya, at mga batang inabandona, pinabayaan at naulila.
Bukod sa pansamantalang silungan ay layon rin nitong makapagbigay ng psycho-social care at interventions, kasama riyan ang rescue and protection at agarang medikal na atensyon sa mga biktima n g anumang uri ng pang-aabuso.
Ayon kay Municipal Social Welfare and Development (MSWD) Officer III, na siya ring mangangasiwa ng LTS-CIC, Ezrah V. Pascual, kinakailangan lamang magpakita ng ilang dokumento mula sa awtoridad tulad ng referral letter, police report, birth certificate para sa menor de edad at medical certificate para sa admisyon ng mga biktima.
Makikipagtulungan din ang MSWD sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para sa nangangailangan ng mas matinding propesyonal at serbisyong medikal para sa mga biktimang maaring humingi ng pansamantalang kalinga.
Ikinatuwa naman ni Mayor Bataoil na maari na ring magamit ang LTS-CIC na kabilang sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan para sa mamamayan ng Lingayen. Dagdag din ng alaklade, marami pang nakalatag na plano ang administrasyon na kapakipakinabang para sa mga Lingayenense at lahat ng ito ay magiging posible sa tulong at suporta ng bawat mamamayan. (MIO/JMMangapot/JMAquino)
MIO/GcRueda/DDaGuzman