Skip to main content

LINGAYEN TINANGGAP ANG BAGONG KADIWA REFRIGERATED VAN MULA SA DA

Itinurn-over ngayong araw ng Lunes, Setyembre 18, 2023 ang bagong KADIWA Refrigerated Van na donasyon ng Department of Agriculture sa lokal na pamahalaan ng Lingayen.
Isinagawa ito pati na rin ang pagbabasbas kasabay ng idnaos na flag ceremony na pinangunahan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama si Vice Mayor Dexter Malicdem.
Ayon kay Municipal Agriculture Officer Dr. Rodolfo Dela Cruz, pangunahing benipesyaryo ng naturang van ay ang mga lokal na mangingisda at magsasaka sa bayan. Makakatulong aniya ito upang mailapit sa publiko ang kanilang mga sariwang produkto na kalaunan ay magpapataas at magpapalaki ng kanilang kita.
“This will be used by our qualified beneficiaries lalo na ang mga farmers at fisherfolks organizations. Kung papaano po ma-avail ang service nito ay need po nilang magpunta muna sa office po namin para makapag palista. Dadaan po sa approval ni Mayor for the schedule at kung ano yong itra-transport nilang product sa supermarket at nearby markets” pahayag ng MAO.
Bukod sa mga magsasaka at mangingisda, maaari ring lumapit sa tanggapan ng MAO ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na nais magbenta ng kanilang produkto gamit ang naturang sasakyan.
Paglilinaw lamang ng MAO, hindi kabilang sa libreng serbisyo ang “logistics” tulad na lamang ng pagkain o snacks ng driver pati na ang gasolina ng nasabing van.
Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Bataoil sa tanggapan ng DA sa pamamahagi ng KADIWA Refrigerated Van na maghahatid ng murang produkto tulad na lamang ng bigas, sariwang gulay, isda at mga prutas sa mga kababayan.
Antabayanan ang unang iskedyul kung saan lalapag ang Kadiwa on Wheels ng LGU Lingayen. (MIO/MRVinluan)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan