
LTOPF CARAVAN IDINAOS SA BAYAN NG LINGAYEN
Nagsimula na ngayong araw Nobyembre 11, 2020 ang aplikasyon sa pagpaparehistro at pag renew ng License to Own and Possess Firearm (LTOPF).
Hinihikayat mismo ng Philippine National Police o PNP Lingayen ang mga gun owners/holders o nagmamay-ari ng baril sa bayan na lumahok sa nasabing aktibidad na tatagal ng dalawang araw.
Ayon sa pulisya, napakahalaga ang naturang hakbang dahil bago umano magkaroon ng baril o makapag renew ng gun permit ang isang indibidwal ay kinakailangan muna nitong makakuha ng permit mula sa PNP.
Paliwanag pa ng pulisya, kapag nag-expire na ang lisensiya ng baril ay maituturing na itong isang krimen o kinokonsidera bilang loose firearms. Dahil dito pwedi umanong ma-subject sa search warrant at mapatawan ng parusa ang sinumang nag mamayari ng nasabing armas.
Ang LTOPF at Firearms Registration ang siyang pangunahing requirement para maka-avail ng final gun amnesty na i-aalok ng pambansang pulisya. Kabilang din sa mga rekisitong dapat pagdaanan ng nais kumuha ng lisensya ng baril ay ang sumusunod:
-Online Application para sa LTFOP at FR (RCSU1)
– Neuro-Psychiatric exam (RHS1)
-Drug Test (RCLO1)
-Payment (RFSO1)
– Gun Safety Seminar
Hiling naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na sa pamamagitan ng nasabing aktibidad ay maibabahagi sa mga gun owners ang mga batas at alituntunin hinggil sa tamang pagdadala at paggamit ng baril kabilang na din ang kahalagahan ng “license to possess firearms” at ng “license to carry firearms.”
Sa pamamagitan umano nito, posibleng mabawasan o mapababa ang bilang ng mga nagkalat na loose firearms na siyang nagiging sanhi ng mga unsolved cases hindi lamang sa bayan ng Lingayen kundi sa buong lalawigan ng Pangasinan at maging sa bansa.
Maaari magtungo sa Lingayen Civic Center ang mga gun owners o nag mamay ari ng baril na nais magparehistro hanggang bukas, November 12, 2020. (MIO)