Skip to main content

MAAYOS AT MALINIS NA LINGAYEN, TARGET NG BAGONG HEPE NG KAPULISAN

Kalinisan hindi lamang sa kapaligiran ngunit pati na rin sa krimen.

Ito ang nais na makamit ngayon para sa bayan ng bagong talagang Officer in Charge o OIC Chief of Police ng Lingayen Police Station na si PLTCOL Roderick Y. Gonzales. Sa mga unang araw nito sa kanyang tungkulin, inihayag ng opisyal ang iba’t ibang mga proyekto at aktibidad na isinasagawa upang masawata o mabawasan ang krimen sa bayan.

Pinakauna aniya rito ay ang pagpapanatili ng kalinisan kung saan kanyang hinihikayat ang publiko na magkaroon ng disiplina pagdating sa maayos na pagtatapon ng basura dahil ang malinis an kapaligiran ay kaagapay ng maayos na pamayanan.

Sunod naman aniya ay ang kampanya kontra Loose Fire Arms at illegal Drug Campaign para sa mga mamamayan na mayroong hindi lisensyadong armas at sa mga gumagamit at nagbebenta ng iligal na droga. Bagama’t idineklara ang bayan bilang Drug Free Municipality, hindi aniya ititigil ng kapulisan na bantayan at sugpuin ang nasabing problema.

“With regards to illegal drugs, since ang Lingayen is a drug cleared municipality, we will just maintain and intensify yong campaign natin sa iligal na droga. For the record, nito lamang mga nakaraang araw, tuloy tuloy po ang pagka-conduct natin ng positive buy-bust operations” pahayag ng bagong hepe.

Aktibo din umano ang kanilang tanggapan sa panghuhuli o paglipol sa mga gumagawa o nakikisali sa iligal na sugal sa bayan. Aniya, ang pinapayagan lamang ay ang mga lehitimong operasyon na nasa ilalim ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO tulad na lamang ng STL o Small Town Lottery.

“Sa illegal gambling, may mga allowed tayo na gambling as authorized by PCSO– yong STL na tinatawag. Pero any form of gaming with money involved (like pustahan sa basketball, tong-its, mahjong etc) huhuliin po natin yan with Validation”.

Inihayag ni Gonzales na bukas ang kanilang tanggapan sa mga nais magreklamo o magsumbong ng mga iligal na gawain sa bayan. Handa umano ang kapulisan na tulungan si Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama ang mga opisyal na namumuno rito na labanan ang lahat ng uri ng kriminalidad at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa Lingayen.

“My intention is to make this lovable town the cleanest in Pangasinan–cleanest when it comes to environment and with regards sa Crime Situation. Ang goal natin dito dapat ay ZERO–walang magaganap na kahit anong krimen” pahayag ni PLTCOL Gonzales.

Bago naupo bilang OIC Chief of Police ng Lingayen Police Station, si Gonzales ay nanilbihan at naging hepe ng Santa Barbara Police Station. Pinalitan nito ang dating hepe na si PLTCOL Wilmer Pagaduan na nakadestino na ngayon sa Police Regional Office 1 sa San Fernando City, La Union. (MIO_MRLlanillo/JMAquino)

📸MIO/Lingayen PS

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan