Skip to main content

MAGSASAKA SA LINGAYEN, TUMANGGAP NG INTERVENTION MONITORING CARD (IMC) MULA SA DA

Pinagkalooban ng Department of Agriculture (DA) katuwang ang lokal na pamahalaan ng Lingayen ang mga magsasaka sa bayan ng Rice Farmers Financial Assistance Intervention Monitoring Card ngayong araw ng Martes, Enero 30, 2024.

Nanguna sa pamamahagi ang tanggapan ng Municipal Agriculture Office kung saan nasa tinatayang 1,100 na mga magsasaka mula sa iba’t ibang barangay ang nabigyan ng naturang card na may lamang ayuda o cash assistance na nagkakahalaga ng limang libong piso (P5,000) bawat isa.

Isa itong multipurpose card na nagsisilbing identification o pagkakakilanlan at transactional card kung saan matatanggap ang cash assistance para sa mga DA beneficiaries. Nakapaloob dito ang mga impormasyon ng benepisyaryo tulad ng pangalan, larawan, QR code, RSBSA number, at e-wallet card.

Layunin din ng IMC na mapabuti ang distribution process para sa mga susunod na ayuda na ibibigay ng kagawaran.

Samantala, kabilang sa mga nabigyan ng naturang card ay mga magsasaka na nagsasaka ng dalawang ektaryang lupain at pawang mga nakarehistro sa Registry System for Basic Sector in Agriculture.

Dumalo sa nasabing aktibidad si Vice Mayor Dexter Malicdem bilang kinatawan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama si Councilor Jonathan Ramos upang paalalahanan ang mga ito at siguruhing magagamit sa tama ang mga ayudang ipinamamahagi ng pamahalaan.

Lubos naman ang pasasalamat ng LGU Lingayen sa tanggapan ng Department of Agriculture dahil sa tuloy tuloy na pagbibigay ng mga tulong at ayuda hindi lamang sa mga magsasaka ngunit pati na rin sa mga mangingisda sa bayan. Tiniyak din sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ang patuloy na pagsusulong ng mga programang makatutulong at magpapa-angat sa pamumuhay ng mga ito. (MIO_MRVinluan)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan