
MAHIGPIT NA PAGSUSUOT NG FACEMASK SA PAMPUBLIKONG LUGAR, MULING IPINAALALA NG PNP LINGAYEN
Muling nagbabala ang Philippine National Police o PNP Lingayen na huhuliin ang sinumang indibiwal na maaktuhang nasa labas at hindi nakasuot ng kanilang facemask.
Batay na rin ito sa umiiral na ordinansa sa bayan kung saan mahigpit na ipinapatupad at iniimplementa ang pagsusuot ng facemask lalo na kung nasa pampublikong lugar.
Ayon kay Police Lt. Col Theodore A. Perez hepe ng Lingayen Police Station, simula noong Lunes (Hulyo 20, 2020) umabot na sa mahigit isang daang residente ang nahuli nang pinagsanib na pwersa ng Lingayen Police Station at Bike Patrollers ng Pangasinan Police Provincial Office dahil lamang sa hindi pagsusuot ng facemask.
Aniya, tuloy tuloy ang kanilang magiging operasyon dito upang masiguro na sumusunod sa ordinansa ang mga residente ng bayan.
Nilinaw naman ng opisyal na ang mga nakatambay sa labas o maaktuhang nasa labas at walang suot na facemask lamang ang kanilang hinuhuli at iniisyuhan ng Citation Ticket. Ang mga nasa loob naman umano ng kanilang bakod ngunit walang suot na facemask ay sinisita at pinagsasabihan lamang.
Binibigyan din aniya nila ng mga konsiderasyon ang mga taong nasa pampublikong lugar tulad na lamang ng mga kumakain sa karenderya o di kaya’y aktwal na umiinom lamang ng tubig. Taliwas aniya ito sa mga lumalabas na balita partikular na sa social media na lahat ng kanilang maaktuhang nasa labas ay kanilang hinuhuli.
“Mahigpit yong bilin ko sa mga kapwa ko pulis na alamin muna nila yong facts bago huliin ang isang tao. Ang sabi ko, kapag nasa labas at nakatambay sa kanto at walang facemask, huliin nila. Pero kapag nasa labas, at umiinom lang ng tubig or kumakain, syempre konsiderasyon yon,” ani Perez.
Nagpapaalala din ito na mahigpit ring ipinagbabawal ang mga menor de edad sa labas ng bahay. Ang mga magulang aniya ang unang mananagot kung mapababayaan ang kanilang mga anak.
Samantala, pinaliwanag din nito ang multa sa hindi pagsusuot ng facemask. Ayon sa hepe, noon pa man ng magsimula ang Community Quarantine sa bayan ay hinuhuli na nila ang mga violators.
Hindi tulad aniya ngayon, wala pa umano noong karampatang parusa para sa mga lumalabag sa naturang batas dahil hindi pa naipasa ang ordinansa patungkol dito.
“Noon pa nong nagsimula ang Quarantine talagang hinuhuli na natin sila. Ang pagkakaiba nga lang, wala pang multa dati kasi hindi pa naipapasa yong ordinance. Pero ngayon na mayroon na, doon na talaga tayo bumabase” ani Perez.
Nakasaad sa Ordinance No. 80 Series o 2020 na akda mismo ni Councilor JM Crisostomo na kailangang nakasuot ng face masks ang lahat na nasa mga pampublikong lugar at sinumang mahuhuli ay pagmumultahin nang P1,000 para sa unang offense, P1,500 sa second offense habang P2,500 at limang araw na pagkakakulong naman sa third offense. (MIO)