Skip to main content

MAINGAY NA TAMBUTSO, MAHIGPIT NA IPINAGBABAWAL SA LINGAYEN

Palalakasin pa ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang kampanya laban sa noisy muffler o maiingay na tambutso.

Ito ang binigyan diin ni Mayor Leopoldo N. Bataoil matapos makatanggap ng mga reklamo na ilang mga motorista sa bayan ay gumagamit ng bora bora o ‘open pipe mufflers’ na lubha umanong napakaingay.

Ayon sa mga apektadong residente, malaking abala at istorbo sa kanilang oras ng pamamahinga lalo na sa gabi tuwing may mga dumaraan na motorsiklong naka-open pipe o modified ang mga mufflers.

May ilan pa umanong motorista na sinasadyang paingayin ang kanilang tambutso lalo kapag pinahaharurot ang kanilang mga sasakyan.

Dahil dito, agad ipinag utos ni Mayor Bataoil sa kapulisan na huliin at kumpiskahin ang sinumang indibidwal na may maingay na tambutso.

Bagamat hindi naipasa sa Sangguninang Panlalawigan ang Municipal Ordinance patungkol dito, nilinaw ni Mayor Bataoil ibabase ang panghuhuli sa umiiral na batas sa bansa o ang Senate bill 1195 na mas kilala bilang Muffler Act of 2016.

“Sampolan at huliin natin yan. Kahit wala tayong ordinansa dito, yong umiiral na national law ang iimplement natin” ani Mayor Bataoil.

Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng maingay namuffler dahil ito’y nakakaapekto o nakakadagdag sa Noise pollution.

Bukod sa nakadadagdag sa polusyon ay makaapekto rin sa kalusugan ng mga mamamayan ang sobrang ingay ng mga open pipe ng motorsiklo.

Muli namang nagpaalala si Mayor Bataoil na ipagpapatuloy at hindi nito titigilan ang kampanya laban sa mga maiingay na tambutso ng mga motorista upang mabigyan ng katahimikan ang kaayusan ang bayan ng Lingayen. (MIO)

#ArangkadaLingayen
#DisiplinaMuna

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan