MAS MABILIS AT ORGANISADONG TRANSAKSYON LAYUNIN NG BAGONG BUSINESS ONE-STOP SHOP NG LGU LINGAYEN
Bilang tugon sa pangangailangan para sa mas modernong serbisyo, binuksan sa publiko ang pinakabago at mas organisadong Business One Stop Shop o BOSS ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Alinsunod ito sa probisyon ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act na nagoobliga ng pagkakaroon nito sa isang pamahalaang bayan o lungsod.
Matatagpuan sa iisang pasilidad sa loob mismo ng munisipyo ang lahat ng kinakailangang hakbangin at transaksyon para sa mas mabilis at maginhawang proseso para sa lahat ng mga negosyanteng nais magpatuloy ng kanilang operasyon sa bayan.
Kasama sa mga permit na maaaring mabilis na makuha sa One-Stop Shop ay ang mga sumusunod:
Building Permit
Electrical Permit
Electrical Clearance
MENRO Clearance
Valid Fire Safety Inspection Certificate
Occupancy Permit
Sanitary/Health Clearance at iba pa
Samantala, paalala ng Municipal Treasurer’s Office na may 10% discount pa tatagal hanggang Marso 31 ang mga kababayang magbabayad ng kanilang Real Property Tax kung kaya’t mainam umanong samantalahin na ito. Siguraduhin din na kumpleto ang mga kinakailangang dokumento upang maiwasan ang abala sa proseso.
Ang hakbang na ito ay patunay ng dedikasyon ng LGU Lingayen sa pagbibigay ng mas maayos at epektibong serbisyo publiko. Ito din ay parte ng adbokasiya ni Mayor Bataoil upang mas mapalakas ang lokal na ekonomiya sa bayan na kanyang pinamumunuan. (MIO_MRVinluan)