
MAYOR BATAOIL IMBITADO SA IKA-40th ANIBERSARYO PNP SAF
Bilang pakiki-isa sa pagdiriwang ng ika-40th anibersaryo ng Philippine National Police (PNP) Special Action FOrce(SAF), personal na dumalo kahapon, ika-17 ng Mayo, 2023 sina Mayor Leopoldo N. Bataoil kasama si PLTCOL Roderick Y. Gonzales, Officer-in-Charge ng Lingayen Police Station sa NCRPO Grandstand, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Itinatag ang SAF noong ika-16 ng Mayo, 1983 ni dating Pangulo at noo’y Lieutenant General Fidel V. Ramos. Tema ng naturang selebrasyon ngayong taon ay “40 Years of Excellence and Professionalism in Serving God, Country, and People,” na layong kilalanin ang mga kadakilaan at tagumpay sa serbisyo ng mga SAF troopers sa loob ng apat (4) na dekada.
Nagsilbi naman bilang panauhing pandangal si PNP Chief, Police General Benjamin Acorda, Jr. sa naturang programa. Sa kanyang mensahe, kanyang binigyang pagkilala ang mga namumukod-tanging empleyado at yunit ng kagawaran dahil sa patuloy na paninindigan sa kanilang mandato na protektahan ang bansa laban sa terorismo, kawalan ng batas at insurhensiya.
Inalala naman ni Mayor Bataoil ang kanyang naging karanasan at pakikipagsapalakaran bilang SAF Battalion Commander noong siya ay nasa serbisyo pa, kung saan naranasan din niyang ma-deploy sa kasagsagan ng mga kaguluhan sa Mindanao. (MIO)