MEMORANDUM OF AGREEMENT SA PAGITAN NG LGU LINGAYEN AT BENGZON-GONZALES FAMILY, PORMAL NANG NILAGDAAN
MEMORANDUM OF AGREEMENT SA PAGITAN NG LGU LINGAYEN AT BENGZON-GONZALES FAMILY, PORMAL NANG NILAGDAAN
Makalipas ang limang taong masusing pagpaplano, isang makasaysayang pirmahan ng Memorandum of Agreement (MOA) ang naganap ngayong Pebrero 20, 2025 sa pagitan ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at ng Bengzon-Gonzales Family sa katauhan ni Ginoong Eckie Gonzales.
Ang paglagda ng nasabing MOA ay pinangunahan ni Mayor Bataoil kasama sina Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem, Municipal Administrator Roberto Sylim, mga department heads, at maging mga kinatawan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Segundo Distrito ng Pangasinan.
Nilalaman ng naturang kasunduan ang makulay na planong pagpapaigting sa sektor ng turismo sa bayan ng Lingayen partikular na sa eco-tourism, campsite, at government center na nakatakdang itayo sa donasyong lupa ng pamilya Bengzon-Gonzales na matatagpuan sa Barangay Poblacion.
Ayon kay Municipal Planning Officer Architect Nelco P. Coquia, ang proyekto ay hindi lamang magpapasigla sa turismo kundi may layunin din itong tugunan ang iba pang pangangailangan ng bayan. Ang nasabing infrastructure development program ay inaasahang makatutulong upang mapabuti ang daloy ng trapiko sa sentro ng bayan at maisulong ang flood control measures upang maiwasan ang pagbaha sa lugar.
Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Mayor Bataoil ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa Bengzon-Gonzales Family para sa kanilang bukas-palad na donasyon. Aniya, ito ay isang malaking hakbang tungo sa mas maunlad, mas maayos, at mas progresibong Lingayen.
Ang proyektong ito ay hindi lamang isang tagumpay para sa ating pamahalaang bayan kundi isang pamana para sa mga susunod na henerasyon ng Lingayenense. (MIO/PJBayog)