Skip to main content

Memorandum of Agreement sa Pagitan ng LGU Lingayen at FTI, Nilagdaan

Masayang sinalubong sa bayan ng Lingayen ng mga opisyales at mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Lingayen,sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, si Food Terminal Incorporated (FTI) President and CEO, Joseph Rudolph C. Lo para sa paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng lokal na pamahalaan at FTI ngayong araw, ika-20 ng Agosto 2024.

Nilalaman ng naturang MOA ang kasunduan ukol sa pagtiyak ng sapat ang supply ng mura at de kalidad na bigas para sa isasagawang KADIWA ng Pangulo sa bayan ng Lingayen.
Ang naturang programa ay inisyatibo ng Department of Agriculture (DA) kung saan layong mas mapalapit sa taumbayan ang murang bilihin tulad ng bigas, gulay, prutas, at iba pa.

Sa tulong naman ng kasunduan ng LGU Lingayen at FTI, magkakaroon ng pagkakataon na makabili ng tig-29 pesos na bigas, na eksklusibo para sa mga vulnerable sectors kabilang na ang mga Persons with Disabilities (PWDs), Senior Citizens, Solo Parents, and miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Mayroon din namang 45 pesos na bigas sa ilalim ng kategoryang Rice-for-All sa nakatakdang petsa ng paglulunsad nito sa darating na ika-29 ng Agosto 2024 sa Lingayen Civic Center kasabay ng launching ng Kadiwa ng Pangulo sa Lingayen.

Malaking tulong umano ito hindi lamang para sa mga mamamayang kapos ang badyet kundi pati na rin sa mga lokal na magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyanteng mabibigyan ng pagkakataong magbenta ng kanilang produkto.

Maliban sa MOA signing, nagkaroon din ngayong araw ng Site Inspection sa mga pasilidad ng lokal na pamahalaan na may kaugnayan sa Agri-Aqua Industry gaya ng Lingayen Demo-Farm sa Barangay Basing, Regional Food Terminal Inc. Facility sa Barangay Poblacion, Processing Plant sa Barangay Libsong East, at Bagoong Factory sa Barangay Pangapisan North.

Lubos naman ang pasasalamat ni Mayor Bataoil sa tiwala at suporta na ipinagkakaloob ng FTI at ng buong Kagawaran ng Agrikultura sa bayan ng Lingayen. Dagdag aniya, ang mga pasilidad at mga aktibidad na ito ay may malaking tulong at kontribusyon para maabot ang adhikain ng pagkakaroon ng isang matatag, maginhawa, at panatag na buhay para sa bawat Lingayenense.

(MIO_JMMangapot/PJBayog)
MIO/GcRueda/RCSoriano/DDeGuzman

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan