
MENSAHE MULA KAY MAYOR LEOPOLDO N. BATAOIL
Ang banta ng Coronavirus Disease o COVID-19 ay suliraning kinakaharap hindi lamang ng ating bayang Lingayen kundi maging ng buong mundo. Sa panahong tayo ay sinusubok ng panganib na dala nito, tamang impormasyon at panalangin ang ating ipalaganap, huwag ang ‘panic’ at mga ‘fake news’. Tandaan sumubaybay sa mga anunsyo sa ating official page at mga lehitimong page ng sangay ng gobyerno tulad ng Department of Health at DILG.
Ang bayan po ng Lingayen kabilang ang buong lalawigan ng Pangasinan ay COVID free hanggang sa kasalukuyan kaya po walang katotohanan ang bali-balitang magkakaroon ng “lockdown” dahil may panuntunang sinusunod bago yan ipatupad.
Tuloy din po ang pagbibigay serbisyo ng inyong lokal na pamahalaan, mananatiling bukas ang mga tanggapan at pamilihang bayan para sa ating mga mamamayan.
Ang pagsubok na ito kaakibat ang iba pang suliranin na dala ng COVId-19 ay hindi po kakayaning mag-isa ng ating pamahalaan, ngayon higit kailanman kinakailangan ang pakikipagtulungan at kooperasyon ng bawat isa. Paumanhin sa mga abalang maaring idulot ng mga inilabas na panuntunan, kaunting sakripisyo lamang po para sa kaligtasan at ikabubuti ng nakararami.
Hindi man maibigay ang lahat ng mga pangangailangan gamit ang limitadong resources ng ating pamahalaan, ginagawa po ng mga kinauukulan kasama na ng inyong Lingkod Ng Bayan, ang lahat ng aming makakaya upang tiyaking magiging ligtas sa banta ng COVID-19 ang ating mga kababayan.
Ito po ang pagkakataon upang tayo’y magkaisa hindi magsisihan, manlamang o magpakalat ng takot at panlilinlang sa ating kapwa. Lahat po tayo ay apektado, kaya sumunod nawa ang lahat sa mga ipinalalabas na panuntunan lalong lalo na ang mga health measures para sa inyo at inyong mga mahal sa buhay.
Higit sa lahat patatagin ang inyong pananampalataya sa Poong Maykapal at palagiang panalangin. Matatapos rin ang pagsubok na ito at muling babalik sa normal ang lahat. Ipagdasal din po natin ang kaligtasan ng mga patuloy na nagbibigay serbisyo tulad ng ating mga doktor, nurses at iba pang health providers, kapulisan at support group na mas expose sa panganib.
Kung hindi po natin kayang maging bahagi ng solusyon ay huwag na po sana tayong dumagdag pa problema.
Muli po sumunod sa mga panuntunan ng mga kinauukulan. Maraming salamat po sa inyong lahat.