
MGA BAGONG HALAL NA OPISYALES NG SANGGUNIANG KABATAAN NG LINGAYEN, DUMALO SA MANDATORY TRAINING NG PAMAHALAAN
Naging matiwasay at maayos ang isinagawang libreng mandatory training para sa mga bagong halal na opisyales ng Sangguniang Kabataan ng tatlumput dalawang barangay sa bayan ng Lingayen ngayong araw, ika-10 ng Nobyembre 2023, sa Lingayen Civic Center.
Ito ay sa pangunguna ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, katuwang ang miyembro ng Sangguniang Bayan, Department of Interior and Local Government (DILG) Lingayen, Local Youth Development Office (LAYDO), Sangguniang Kabataan Federation (SKF) at ng iba’t -ibang departamento ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay SKF President Sylvester Clyde Benabese, ito ang simula ng kanilang magiging gampanin na maging boses ng kani-kanilang mga barangay at hinikayat ang mga ito na gawin ang mga nararapat para sa kapakanan ng mga kabataan.
Layon ng naturang pagsasanay na mabigyan ng kaalaman at mas maunawaan ng mga bagong halal na opisyales ang iba’t ibang aspeto patungkol sa paglilingkod at sa Sangguninag Kabataan alinsunod sa mga dokumento at mandato ng National Youth Commission (NYC). Ang mga paksang binigyang-diin ay ang mga sumusunod:
1. Decentralization and Local Governance,
2. Sangguniang Kabataan History and Salient Features,
3. Minutes and Resolution,
4. Planning and Budgeting, at
5. Code of Conduct and Ethical Standard.
“Kayo na ngayon ang mga bagong maglilingkod sa inyong mga barangay. Nawa’y gampanan ninyo ng matiwasay at maayos ang inyong sinumpaang tungkulin for good public service at kaming mga opisyales ninyo sa lokal na pamahalaan ay laging nariyan para umantabay sa inyo.” Ito naman ang naging pahayag ni Vice Mayor Mac Dexter Malicdem.
Malugod naman si Mayor Bataoil dahil sa pagdalo ng mga bagong halal na opisyales ng Sangguniang Kabataan. Isa umano itong indikasyon na handa at pursigido silang matuto para madagdagan ang kanilang mga kaalaman na siyang kanilang gagamitin at isasabuhay sa panahon ng kanilang panunungkulan. Dagdag aniya, inaasahan ng alkalde na ang magandang pagtugon na ito ay tuloy-tuloy at mamutawi sa puso’t isipan ng mga kabataan ang tunay at tapat na paglilingkod. (MIO_JMMangapot)
📸MIO/CCacondangan/ DDeGuzman