
Mga Empleyado ng LGU Lingayen, Sumailalim sa Libreng Flu Vaccination
Puspusan ang isinasagawang pagbabakuna ng Municipal Health Office sa mga empleyado ng pamahalaan upang maka-iwas sa mga sakit na dala ng tag-lamig o pagbabago ng panahon.
Libreng Flu Vaccination ang ibinigay sa iba’t ibang tanggapan upang mabigyan ng proteksyon ang mga manggagawa laban sa nakakahawang sakit na influenza.
Ayon kay Dra. Sandra Gonzales, Municipal Health Officer ng bayan, ang flu ay isang respiratory disease na nagdudulot ng mga komplikasyon kagaya ng pneumonia na maaring ikamatay kung mapapabayaan.
Binigyan diin pa nito na mahalaga ang pagpapabakuna sapagkat humihina ang resistensya ng isang tao habang nagkakaedad ito. Maiiwasan lamang aniya ito sa pamamagitan ng nasabing vaccination.
Ang nasabing Anti Flu Vaccination ay bahagi ng Health Care Program ng Municipal Health Office na suportado mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Nais ng butihing alkalde na tiyaking nasa maayos na kalusugan at may proteksyon laban sa mga sakit, hindi lamang ang lahat ng mga taga Lingayen kundi pati na rin ang mga empleyado ng pamahalaang bayan.
Aniya, ang malusog at malakas na pangangatawan ng mga kawani ng munisipalidad ay magbibigay din ng mas malakas na serbisyo para sa kanyang mga mahal na kababayan. (MIO)
📸 CTTO