MGA GURO SA LINGAYEN BINIGYANG PUGAY SA WORLD TEACHERS’ DAY CELEBRATION NG BAYAN
Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng World Teacherss’ Day, naglaan ng espesyal na programa para sa mga magigiting na guro ang lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ng Mayor Leopoldo N. Bataoil ngayong araw ika-30 ng Setyembre 2024 sa Lingayen Civic Center.
Pagbibigay-pugay at inspirasyon ang naging sentro ng pagdiriwang kung saan binigyan ng nararapat na pagkilala ang mga guro sa kanilang dedikasyon sa paghubog sa kinabukasan ng ating mga kabataan.
Ang tema ngayong taon ay “Together4Teachers” na layong bigyang importansya ang natatanging kontribusyon ng mga guro sa pagpapaunlad ng edukasyon sa ating bansa. Isa rin itong pagkakataon upang aktibong dinggin ang perspektibo ng mga guro ukol sa mga patakarang pang-edukasyon.
Layunin din ng selebrasyon na bigyang pagkilala ang kahalagahan ng pagtuturo bilang propesyon at bigyang importansiya ang mga itinuturing na pangalawang magulang ng mga mag-aaral.
Kabilang naman sa mga dumalo sa pagtitipon ang mga guro mula sa mga paaralan ng District 1, 2, at 3, PSU Lingayen, iba pang pribadong paaralan at mga daycare teachers mula sa 32 barangay sa bayan ng Lingayen.
Sa kaniyang mensahe, tiniyak naman ni Mayor Bataoil na patuloy ang pagsuporta ng kaniyang administrasyon upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga paaralan. Aniya, mayroong nakalaan na Special Education Fund (SEF) para sa tatlong school districts ng Lingayen, dagdaga tulong na siyang sisiguro sa pagpapabuti ng mga pasilidad at kagamitan para sa mga ito.
Ipinahayag rin ng alkalde ang kaniyang labis na paghanga sa mga guro dahil sila ang nagsisilbing pangalawang magulang ng mga mag-aaral. Isang responsibilidad at sakripisyo na hindi matutumbasan ng anumang halaga.
Buo naman ang suporta ng Sangguniang Bayan ng Lingayen sa naturang pagdiriwang sa pamumuno ni Vice Mayor Mac Dexter Malicdem.
Namahagi naman ang LGU Lingayen ng mga munting handog na regalo bilang pasasalamat sa serbisyo ng mga guro. Ilan sa mga ito ay mga ICT equipments at supplies na maaari nilang magamit para sa pagtuturo na bahagi ng pondo mula sa SEF. Nariyan din ang mga proyektong pang imprastraktura tulad ng pagsasaayos ng mga silid aralan. Bukod pa rito, nakatanggap din ng tig limang kilo ng bigas at mga seedlings ang bawat guro na dumalo sa naturang programa.
Nangako ang lokal na pamahalaan na ipagpapatuloy nito ang pagsusumikap upang lalong mapaigi ang kondisyon ng mga paaralan, mapagkaloob ang pangangailangan ng mga guro pati na ng mga estudyante sa bayan. (MIO_PJBayo/MRVinluan)
MIO/GcRueda/DDeGuzman/RCSoriano