
MGA ISKOLAR NG BAYAN NG LINGAYEN, MULING TINANGGAP ANG KANILANG FINANCIAL ASSISTANCE
Siyamnapu’t anim (96) na kabataan sa bayan ang muling nabigyan ng financial assistance na parte ng programang Lingayen Scholarship Program ng Lokal na Pamahalaan.
Ibinahagi ngayong araw, Agosto 13, 2021 ang tulong pinansyal na nagkakahalaga ng limang libong piso (P5,000) na maaaring gamitin ng mga estudyante para sa ikalawang semestre ng kanilang pag aaral.
Bago ang nasabing distribusyon, nagkaroon muna ng maikling programa kung saan pinangunahan mismo ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, Vice Mayor Judy Vargas-Quiocho at Councilor JM Crisostomo.
Unang nagbigay ng kanyang mensahe si Councilor Crisostomo na siya ding may akda ng ordinansang Iskolar Ako ng Bayan. Aniya, bilang mga kwalipikadong scholars, nararapat lamang na gamitin sa tama at sa pag aaral ang pondong kanilang nakuha lalo isa umano sa pinakalayunin ng naturang programa ay ang mabigyan ng pagkakataon ang mahihirap ngunit may magandang marka na mga estudyante na makapag patuloy ng pag aaral sa kolehiyo.
‘Pay it forward’- ito naman ang mahigpit na bilin ni Vice Mayor Quiocho para sa mga kabataan. “At the end of the day, pagkatapos niyong mag-aral, please pay it forward. After niyo grumaduate at may kakayahan na kayong tumulong, unahin niyo ang mga magulang at kapatid ninyo, pagkatapos nun, be a blessing na din to others” anang bise alkalde.
Para naman kay Mayor Bataoil, mahalaga umano ang pag aaral ng mabuti ngunit huwag lamang aniyang kalimutan na tulungan din ang bayan na kanilang kinalakihan.
“Mag aral kayong mabuti mga anak, huwag niyong kalimutan ang bayan nating Lingayen. Time will come that it will need your service. When the town of Lingayen will call for you to help in whatever way, do not turn your back because today your town of Lingayen has helped you” pahayag ng alkalde.
Taong 2019 isinalang sa Sangguniang Bayan ng Lingayen ang ordinansang “An Ordinance Establishing a Scholarship Program Through Financial Assistance in the Municipality of Lingayen, Pangasinan and Appropriating Funds Relative Thereto” ni Councilor Crisostomo.
Taong 2020 naman nang tuluyan na itong naipasa at inaprubahan sa Sangguniang Panlalawigan at ngayo’y nasa proseso ng implementasyon ng LGU Lingayen. (MIO)