Skip to main content

MGA ISKOLAR NG BAYAN SA LINGAYEN, NAKATANGGAP NG EDUCATIONAL ASSISTANCE

Ipinamahagi ngayong araw, ika-20 ng Nobyembre 2023, sa tinatayang nasa tatlong daang (300) mga estudyante na kabilang sa Batch 1, 2 at 3 ng Lingayen Scholarship Program ng lokal na pamahalaan ng Lingayen, ang kanilang educational assistance na nagkakahalaga ng limang libong piso (P5,000) para sa unang semestre ngayong akademikong taon ng 2023-2024.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan nina Vice Mayor Mac Dexter Malicdem,na siyang kumakatawan rin kay Mayor Leopoldo N. Bataoil, SBM Jolo Lopez, na siyang Committee Chairman on Education, SBM JM Crisostomo, na siyang may akda ng Iskolar ng Bayan Ordinance, mga kawani ng Municipal Treasury Office, at ng mga kasapi sa Lingayen Scholarship Committee.
“Ang advise ko sa inyo, hindi kasalanan ang maging mahirap ngayon, kung mahirap ka ngayon at gagawin mong rason yan para tumigil ka sa pag-aaral, kasalanan mo na iyan. Maraming paraan para makapagtapos ng pag-aaral, kung paano makaahon sa kahirapan. Huwag mong sayangin ang pagkakataon na ito na binigay sa inyo. Lahat kayo ay aasenso sa buhay at nandito kami para umantabay hanggang sa kayo ay makapagtapos.” Ito ang naging pahayag ni Vice Mayor Malicdem sa mga iskolar ng bayan.
Dagdag naman ni SBM Lopez, pinaalalahanan niya ang mga ito na sana’y gamitin ang natanggap na financial grant sa wasto at maayos na paraan lalo na sa kanilang pag-aaral.
Hindi man nakadalo ng personal si Mayor Bataoil, lubos ang paniniwala ng alkalde sa kakayahan, talino, at sipag sa pag-aaral ng mga iskolar ng bayan. Dagdag aniya, patuloy ang pagpapatupad ng mga aktibidad at programa ng lokal na pamahalaan para matugunan ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral hanggang sa matupad ang kanilang mga pangarap na makapagtapos sa pag-aaral. (MIO_JMMangapot)
📸DDeGuzman/CCacondangan

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan