Skip to main content

MGA KAKANDIDATO SA HALALAN SA BAYAN NG LINGAYEN, NAGSAMA-SAMA NGAYONG ARAW

Nagsama-sama ngayong umaga, ika-7 ng Pebrero 2025, ang mga tatakbong kandidato sa local elections sa bayan ng Lingayen, mapagrupo man o independent, para sa isang unity walk, interfaith prayer rally, candidate’s forum at ang peace covenant signing.

Ang naturang programa ay pinangunahan ng Philippine National Police (PNP) Lingayen, katuwang ang Commission on Elections (COMELEC), Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Interior and Local Government (DILG), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), Department of Education (DepED), at ng Local Government Unit (LGU) ng Lingayen.

Nagsimula ang aktibidad sa isang misa sa Epiphany of Our Lord Co-Cathedral Parish na pinangunahan ni Rev. Fr. Jake Rovillos katuwang si Rev. Fr. Lawrence Mark Lucero. Kasunod nito ay ang unity walk magmula sa simbahan patungo sa Lingayen Public Safety Park para sa isang Interfaith Prayer Rally kasama sina Pastor Sammy Legiralde, Muslim Leader Abdul Madid Manoc, Rev. Fr. Jake Rovillos , at PSSg Frenzel Duli.

Matapos nito ay nagbigay din ng mga mensahe sina PLTCOL Amor Mio I Somine, Officer-In-Charge ng PNP Lingayen at si Mr. Gabriel Cornel, ang Municipal Local Governance Operations Officer ng Lingayen.

Ayon kay PLTCOL Somine, panawagan nito sa mga kandidato ang pagkakaroon ng maayos at mapayapang halalan at tinitiyak din na sa hanay ng kapulisan ay ang kanilang buong pwersang pagtutulungan at pag-antabay para sa kaligtasan ng bawat mamamayan sa bayan ng Lingayen.

Bago naman isagawa ang Peace Covenant Signing, nagkaroon muna ng cadidate’s briefing at Integrity Pledge ang mga kandidato na pinangunahan naman ni Election Officer Atty. Mark Kevin D. Pastrana.

Magtutunggali ngayong halalan sa pagka-alkalde sa bayan sina incumbent Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem sa ilalim ng National Unity Party (NUP), former Mayor Josefina V. Castaneda ng National People’s Coalition (NPC), at ang dalawang independent candidates na sina Hildon Val Budtan at Diana Marcos. Habang magtutunggali naman sa pagkabise-alkalde sina incumbent Councilor Jay Mark Kevin Crisostomo (NPC) at incumbent Barangay Chairman of Maniboc Lt.Col. Ramil S. Palisoc (NUP). Maglalaban naman ang dalawampu’t isang (21) kandidato para sa walong ( 8 ) pwesto sa Sangguniang Bayan.

Tatakbo naman at susubukang makabalik sa pagkakongresista ng Segundo Distrito ng Pangasinan si Mayor Leopoldo N. Bataoil, sa ilalim ng NUP katunggali ang kasalukuyang mambabatas, Rep. Mark Cojuangco.

Ayon kay Mayor Bataoil, kumpiyansa siya na sa bayan ng Lingayen ay bayang nagkakaisa. Magkakaiba man ng kulay at grupo sa halalan, ay nananaig pa rin ang kapayapaan, kaayusan, at pagkakaisa para maipaabot sa taumbayan ang tunay at tapat na serbisyo publiko. (MIO/JMMangapot)

GCRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan