
Mga Kandidato sa Barangay at SK Elections sa Lingayen, Nakiisa sa Unity Walk at Peace Covenant Signing
Nagsama-sama ngayong araw, ika-20 ng Setyembre 2023, para makiisa sa unity walk at peace covenant signing ang mga kakandidato para sa Barangay at SK elections sa bayan ng Lingayen.
Ito ay sa pangunguna ng Commission on Elections (COMELEC) Lingayen, Philippine National Police (PNP) Lingayen, Pangasinan Police Provincial Office (PPO) Office, Municipal Local Governance and Operations Office (MLGOO), Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at ng lokal na pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil.
Ang naturang aktibidad ay nagsimula sa isang misa sa Epiphany of our Lord Co-Cathedral Parish sa pangunguna ni Bishop Fidelis B. Layog,Auxiliary Bishop of Lingayen-Dagupan at Team Moderator ng parokya. Kasunod nito ay nagkaroon ng unity walk na dinaluhan rin ng mga kandidato, opisyales, at mga kawani ng ahensya patungo sa Lingayen Civic Center para sa isang programa.
Sa naturang aktibidad, nagkaroon ng briefing at oryentasyon ang COMELEC para sa mga kakandidato. Ayon kay COMELEC Officer Reina Corazon, kinakailangang sumunod ang mga ito sa “lawful election propaganda” para maiwasan ang anumang diskwalipikasyon at para sa isang matiwasay na halalan. Dagdag naman ni Revenue Collection Officer, Janice A. Beltran, kinakailangan rin nilang tumalima sa kanilang civic duty patungkol sa kanilang mga buwis at pagsumite ng mga dokumento bago at pagkatapos ng halalan.
Mensahe naman ni Pangasinan PPO Director, Jeff Fanged, anuman ang kulay ay patuloy pa ring magkaisa. Ang pahayag na ito ay sinang-ayunan ni PLTCOL Roderick Gonzales, Chief of Police ng Lingayen, na naniniwalang ang mga kandidato ay kailangang magreplek at suriin ang mga nararapat at mga plataporma ngayong halalan.
“Sa mga papalarin, bawal sumimangot, magtanim ng hinanakit, at tumalikod sa sinumpaan. Mas ipakita natin ang sportsmanship, hindi pa man nakakaupo ay mayroon ng respeto sa bawat isa.Hindi tayo mananalo lahat, hindi importante kung may pera, maibibigay at maipagmamalaki. Ang importante ay malinis ang puso at makikita ng tao na ikaw ay pursigido at desidido na manalo dahil mayroon kang puso para maglingkod,” ito naman ang mensahe ni Vice Mayor Mac Dexter Malicdem para sa lahat ng nakiisa sa aktibidad.
Bilang pagtatapos, nagkaroon ng Integrity Pledge at pumirma ang mga kandidato bilang pagsang-ayon ng kanilang pakikiisa para sa isang matiwasay, maayos at tapat na halalan.
Naniniwala naman at kumpiyansa si Mayor Bataoil na isasapuso, isasaisip at isasagawa ng bawat kandidato ang anumang magandang plano at aksyon na dapat pagtuunan ng pansin para sa kanilang mga barangay. Binigyan diin rin ng alkalde na ang bayan ng Lingayen ay sumusuporta sa adhikain na ipagbawal at puksain ang anumang uri ng vote buying at ang mga opisyales sa lokal na pamahalaan ay “non-partisan” o walang kakampihan at ieendorsong kandidato dahil taumbayan mismo ang magdedesisyon para sa mga nararapat na maluluklok sa posisyon. (MIO/JMMangapot)
📸MIO/GcRueda/DDeGuzman