
MGA NAPILING CONTACT TRACERS SUMAILALIM SA ORIENTATION
Sumailalim na sa orientation ang mga newly-hired contact tracers ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa buong lalawigan kabilang na sa bayan ng Lingayen.
Dalawang araw na pagsasanay ang inilaan sa mahigit 800 napiling aplikante para sa lalawigan kung saan labing pito (17) sa mga ito ang inaasahang maitatalaga sa bayan.
Ayon sa DILG Lingayen, isa sa layunin ng kanilang isinagawang orientation ay upang bigyan pa sila ng sapat na kaalaman bago tuluyang ideploy at simulan ang kanilang serbisyo.
Tinuruan ang mga ito kung paano ang tamang pakikipag-usap o pag-interview sa mga nagpositibo o kaanak ng nagpositibo sa COVID-19.
Itinuro din ang pagsasagawa ng profiling at initial public health risk assessment kung saan kinakailangang nilang hanapin ang mga nakasalamuha ng isang COVID-19 patient at alamin ang mga naging aktibidad mula sa araw na ito ay nakaramdam ng sintomas o mula sa araw na ito’y sumailalim sa swab test.
Samantala, tiniyak naman ni Mayor Leopoldo N. Bataoil na magiging prayoridad ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang pagbibigay ng mga kagamitan sa mga contact tracers na matatalaga sa bayan tulad ng personal protective equipment, medical supplies at iba pang kakailanganin nila sa kanilang pagtatrabaho.
Bahagi ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ang pagha-hire sa contact tracers sa buong bansa. Tugon ito ng pamahalaan kontra COVID-19 upang matulungan ang mga apektadong sektor na makabangon sa epekto ng nasabing pandemya. (MIO)