Skip to main content

MGA PROBLEMA DULOT NG MATINDING INIT NG PANAHON, PINAGHAHANDAAN NA

Ikinasa na ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang mga paghahanda nito sa posibleng maging epekto ng El Niño phenomenon sa bayan.

Kahapon, Mayo 10, 2021 personal na pinulong ni Mayor Leopoldo N. Bataoil ang mga myembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang talakayin ang mga maaaring gawing hakbang ukol na rin sa nararanasang matinding init ng panahon o extreme heat index.

Isa sa mga partikular na tututukan ay ang posibleng epekto nito sa sektor ng agrikultura, water at marine resources, kalusugan ng tao, at kapaligiran.

Nagsimula ng mag abiso ang Municipal Health Office (MHO) at Brueau of Fire Protection (BFP) Lingayen Lingayen sa pamamagitan ng public address system na manatili na lamang muna sa loob ng bahay lalo na kapag tanghali o hapon. Mainam rin umano na uminom parati ng tubig upang maiwasan ang dehydration at iba pang mga sakit tulad ng heat stroke at heat exhaustion.

Para naman sa mga lokal na magsasaka, pinapayuhan ng Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen na ngayon pa lamang ay paghandaan na ang magiging epekto nito sa kanilang mga pananim at maging sa mga alagang hayop.

Nangako din ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen na tututok ito sa pagpapatupad ng mga hakbangin para makaagapay sa epekto nang inaasahang tagtuyot. Kabilang na rito ang pagsasagawa ng water analysis, malawakang kampanya sa water conservation/environmental sanitation, health awareness campaign at ang implementasyon ng lahat ng mga regular na programa ng mga ahensya ng pamahalaan.

Tiniyak ng LGU Lingayen na nakahanda itong tumulong o magbigay ng iba pang serbisyo na maaaring ipagkaloob sa mga maaapektuhan nito.
Inaasahan ni Mayor Bataoil na sa pamamagitan nang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pakiki-isa ng mga mamamayan sa pagkilos, mababawasan ang masamang epekto ng El Niño sa bayan. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan