MGA PROYEKTO NG PAG-UNLAD SA PAMUMUNO NI MAYOR BATAOIL, PORMAL NA PINASINAYAAN
Isang makabuluhang araw ng pasasalamat at pagbabasbas ang isinagawa ngayong araw, ika-19 ng Hunyo 2025, para sa mga proyektong naipatayo at sisimulan sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, na layuning patatagin ang serbisyong pampubliko para sa mga Lingayenense.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Laurence Mark J. Lucero ang blessing ceremony na dinaluhan nina Mayor Bataoil, Vice Mayor Mac Dexter G. Malicdem, MLGOO Mr. Gabriel Cornel, municipal administrator, mga department managers at kawani ng lokal na pamahalaan ng Lingayen, kasama si Ms. Donna Nano, Director of Northern Luzon at kinatawan ni Senator Risa Hontiveros na siyang panauhing pandangal.
Isinagawa ang aktibidad sa pamamagitan ng isang maikling programa na nagbigay-pugay sa mga proyektong sumasaklaw sa iba’t ibang sektor ng komunidad mula kabataan hanggang senior citizens, pati na rin ang mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyante.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni Mayor Bataoil na ang mga proyektong ito ay patunay ng tapat na paggamit ng pondo ng bayan tungo sa tunay na pag-unlad:
“Nakatutuwang isipin na ang pera ng taong bayan ay napupunta sa mga makabuluhang proyekto na magpapahusay sa serbisyong pampubliko para sa minamahal nating bayan,” aniya.
Nagpahayag naman ng papuri si Ms. Donna Nano para sa malawakang saklaw ng mga proyekto sakop ang kapakanan ng mga kabataan hanggang sa senior citizens, pati mga magsasaka, mangingisda, at vendors. Siyang patunay na walang naiwan sa mga plano ni Mayor Bataoil para sa Lingayen.
“Mahalaga ring hindi napupulitika ang mga ganitong klaseng proyekto dahil ito ay para sa ikabubuti ng buong komunidad. Tiyak na panalo ang bayan sa mga iniwang proyekto ng kaniyang administrasyon,” dagdag pa ni Ms. Donna.
Nagpaabot din si Senator Risa Hontiveros ng mensahe ng pasasalamat at suporta sa pamamagitan ng isang video message, kung saan pinuri niya ang pamumuno ni Mayor Bataoil para sa patuloy na pag-unlad ng bayan ng Lingayen. Ayon sa kanya, sa mga ganitong proyekto tiyak na hindi lamang mga Lingayenense ang makikinabang kundi maging ang buong bansa.
Kabilang sa mga proyekto at pasilidad na pinasinayaan at sumailalim sa blessing ceremony ang mga sumusunod:
Pasilidad at kagamitang pang-emergency at seguridad:
jetski, rescue boat, at ang Lingayen Command Center (Project Commencement)
Pasilidad para sa serbisyong pampamahalaan:
Anteroom, at bagong opisina ng Human Resource Management Office, Public Employment Service Office, at Municipal Engineering Office.
Proyektong pangkabuhayan, kalakalan at agrikultura:
Agri-Aqua Public Market Roofing (Project Commencement), Market Office, Bantayan Demo Farm, First Lingayen Solar Irrigation System sa Barangay Wawa, at Livelihood Training Center
Serbisyong panlipunan at edukasyon
Senior Citizens Building at Talogtog Daycare Center
Ang seremonyang ito ay hindi lamang pasasalamat para sa mga natapos na proyekto, kundi isang simbolo ng dedikasyon ng administrasyong Bataoil sa pagsulong ng Lingayen. Patunay ito na ang mahusay na pamumuno at tapat na serbisyo ay nagbubunga ng mga konkretong pagbabago sa buhay ng mamamayan.
(MIO/PBayog)
MIO_DDeGuzman/TJEstrada
click link for more:
https://www.facebook.com/share/p/1FqVUFsfjp/