Skip to main content

Mga PWD’s sa Lingayen, nagtagisan sa isang Sports Fest

Matagumpay na nakibahagi sa paggunita ng National Disability Rights Week ang lokal na pamahalaan ng bayan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil katuwang ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), at ang Lingayen Federation of Persons with Disabilities ngayong ika-17 ng Hulyo, 2024.

Batay sa Proclamation No. 597, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hulyo 17 hanggang 23 ng bawat taon bilang selebrasyon sa kakayahan at natatanging talento ng mga Persons with Disabilities (PWDs).

Ang tema ngayong taon ay “Promoting Inclusion: Celebrating Abilities and Advocating Access” kung saan layong mas mapaigting pa ang pagtaguyod sa pantay na pagtamasa ng karapatang maging produktibong bahagi ng lipunan at pagrespeto sa dignidad ng mga PWDs.

Sa unang araw ng naturang selebrasyon, nagtagisan ng lakas at galing sa larangan ng palakasan ang mga kababayang PWDs matapos ganapin ang sports fest bilang bahagi sa taunang selebrasyon ng National Disability Rights Week.

Itinampok dito ang larong basketball at badminton na nilahukan ng humigit kumulang labinwalong (18) manlalarong PWDs mula sa iba’t ibang barangay sa bayan. Anim na babae ang sumali sa larong badminton samantalang labindalawang lalaki naman ang nakisaya sa larong basketball.

Ipinamalas nila ang kani-kanilang natatanging kaalaman, kakayahan at husay na siya ding pinakalayunin ng naturang aktibidad. Manalo man o matalo, nakatanggap naman ng mga grocery packs ang lahat ng nakibahagi sa laro.

Ayon kay PWD Federation President Eon Mendoza, napakahalaga ang taon taon na pagsasagawa ng mga aktibidad para sa mga kapwa PWDs sapagkat nagkakaroon ang mga ito ng opurtunidad na mahasa ang natatagong talento na kalaunan ay makakatulong upang mapalakas ang tiwala sa kanilang sarili.

Nagpaabot din ito ng kanyang taos pusong pasasalamat sa LGU Lingayen dahil sa tuloy tuloy na pagpapakita ng suporta sa mga aktibidad at programa para sa nga PWDs.

“Nagpapasalamat tayo sa Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa pamumuno ni Mayor Leopoldo N. Bataoil at Sangguniang Bayan Members na nagtutulungan upang maiangat ang ating nasimulang sektor. Sana ay tuloy tuloy ang pagkakaisa natin upang sa ganoon ay mapaganda pa ang samahan nating mga kapwa PWDs”.

Isa lamang ang sports fest sa mga inihandang programa ng LGU Lingayen para sa ating mga kababayang PWDs. Kabilang sa mga dapat pang abangan na kaganapan ay ang libreng health consultation sa darating na Hulyo 26 at consultative forum naman sa Hulyo 31 na parehong gaganapin sa Lingayen Civic Center alas otso ng umaga.(MIO_MRVinluan/PJBayog)
MIO/GcRueda

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan