Skip to main content

Mga Rehistradong Magsasaka sa Lingayen, Nakatanggap ng Pinansyal na Tulong Mula sa PCIC

Tumanggap ng tulong pinansyal mula sa Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC ang nasa 137 na rehistradong magsasaka sa bayan.
Sa tulong ng lokal na pamahalaan at ng Municipal Agriculture Office (MAO) tagumpay itong naipamahagi sa mga local farmers na pawang nasiraan ng mga pananim noong panahon ng kalamidad.
Ayon kay Municipal Agriculturist Dr. Rodolfo Dela Cruz, ang PCIC ay isang crop insurance na may layuning tulungan ang mga magsasaka sa rehabilitasyon upang makabangon sa pinsalang dulot nang nagdaang bagyo na tumama sa kanilang mga pananim.
Pangunahing benepisyaryo umano nito ang mga nakalista sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ngunit kapag hindi naman rehistrado sa RSBSA, maaaring kumuha ng certificate mula sa MAO na magpapatunay sa lawak ng sakahan na mabibigyan ng insurance.
Ang ayudang ibibigay sa bawat magsasaka ay nakadepende umano sa produkto at pinsala na natamo ng kanilang sakahan. Ngunit paglilinaw ng opisyal, ang mga magsasaka lamang na nakapagsumite ng Indemnity Claims ang babayaran ng PCIC.
“Ang mga dokumento na isinumite ng ating mga magsasaka ay dumaan sa mabusising assessment at ebalwasyon. Nawa’y kahit sa simpleng ayuda na ito ay nabigyan natin ng pag-asa ang ating mga kababayan na magpatuloy sa kanilang hanapbuhay ” dagdag na pahayag ni Dr.Dela Cruz.
Kaugnay nito, nagpasalamat si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa PCIC sa pagbibigay ng ganitong proyekto na makakatulong umano upang maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga kababayang magsasaka lalo na ang mga lubos na naaapektuhan ng mga nagdaang sakuna.
Hinikayat pa nito ang ibang local farmers na magparehistro sa Registry System for the Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang makatanggap ng mga benepisyo mula sa PCIC at mabigyan ng suporta sa oras ng pangangailangan.
Maliban sa palay, may insurance din ang PCIC para sa high-value crops, livestock, at fisheries. Maaaring magtungo sa tanggapan ng Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen upang malaman ang mga requirements ng sinumang interesado sa pag aapply ng naturang agricultural insurance. (MIO_MRVinluan/JMMangapot)
📸MAO Lingayen

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan