Skip to main content

MGA SEMENTERYO BUBUKSAN SA NOBYEMBRE A-SINGKO

Bagama’t natapos na ang selebrasyon ng Undas, hindi pa rin papayagan ng Philippine National Police o PNP Lingayen na bibisita ang publiko sa mga sementeryo sa bayan.

Ayon sa pulisya, bawal pa rin bumisita sa lahat ng uri ng sementeryo mula ngayong araw, hanggang sa ika-5 ng Nobyembre. Ito ay alinsunod sa utos ng Inter-Agency Task Force (IATF) laban sa paglaganap ng COVID-19.

Mananatiling sarado ang lahat ng public at private cemeteries kasama ang mga columbaria maliban sa libing na naka schedule na ng advance. May mga nakatalaga pa rin umanong mga pulis na siyang mahigpit na magbabantay sa mga nabanggit na lugar.

Bubuksan lang sa publiko ang mga sementeryo at columbaria pagkalipas ng pitong araw o mula November 5, mula alas-singko ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Lahat ng bibisita sa puntod ay kailangan pa ring sumunod sa health and safety protocols at mahigpit na ipapatupad ang “no face mask ,no entry policy.”

Samantala, muling ipinaalala ng mga otoridad ang mahigpit na pagpapatupad ng polisiya sa pagsusuot ng face shield at face mask sa mga pampublikong lugar.

Ang paalala ay ginawa ng pulisya kasabay ng patuloy na panghuhuli sa ilang mga pasaway na indibidwal na hindi pa rin sumusunod sa mga ipinapatupad na health protocols sa bayan.

Paliwanag ng PNP Lingayen, patuloy pa rin ang pakikipaglaban ng bansa sa COVID-19 pandemic, kung kaya’t patuloy din umanong ipapatupad ang mga paraan para mapigilan ang paglaganap ng virus.

Samantala personal ding nag inspeksyon si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa mga sementeryo at pinasalamatan niya ang otoridad kabilang na ang mga force multipliers sa mga barangay sa paninigurong nasusunod ang ibinabang IATF guidelines ngayong Undas. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan