Skip to main content

Muling umapela si Mayor Leopoldo N. Bataoil sa publiko na magsuot parati ng facemask at iba pang minimum health standards sa tuwing lalabas ng bahay

Ito ang naging panawagan ng alkalde sa ginanap na flag raising ceremony ng PNP at BFP noong Lunes, Abril 12, 2021.

Inihayag ni Mayor Bataoil sa kanyang maikling mensahe ang mga reklamong kanyang natatanggap kung saan ilan sa mga kababayan partikular na ang mga nagtutungo sa palengke o pamilihang bayan ay hindi umano nagsusuot ng facemask at face shield.

Paalala ng alkalde, dapat pa ring sumunod ang lahat sa ipinapatupad na health protocols lalo na sa tuwing lalabas sa kani-kanilang mga bahay. Sa ganito kasi aniyang paraan ay maiiwasan ang pagkalat ng coronavirus disease o COVID-19 lalo na ngayong hindi pa tapos ang laban dito.

“The fight is not yet over. I recieved some observations last time na sa public market natin maraming hindi nagsusuot n facemask at face shield. I want our public market to be a good role model kaya sundin po natin ang mga health protocols na ipinapatupad sa bayan natin” ani Mayor Bataoil.

Sa pinakahuling datos ng Municipal Treasury Office, mula buwan ng Marso hanggang Abril 12, 2021– tinatayang nasa mahigit isang daan na bilang na ang mga nahuling indibidwal na lumabag sa ipinatutupad na health protocols.

Kabilang na rito ang hindi pagsusuot ng facemask at faceshield, hindi pag obserba sa social distancing pati na ang hindi pagsunod sa umiiral na curfew.
Panawagan naman ng Lokal na Pamahalaan na sundin na lamang ang lahat ng ipinapatupad na minimum health standard upang maiwasan na mapatawan ng karampatang parusa ngunit higit pa rito ay upang maprotektahan ang sarili at mga mahal sa buhay laban sa virus. (MIO)

Official Website Lingayen Municipality, Province of Pangasinan